
Sa pagbubukas ng Nassiping Church Ruins Archaeological exhibit sa publiko nitong, Hunyo 3, 2026 sa bayan ng Gattaran, nagbigay ito pagkakataon upang masilayan at mas lalong maunawaan ng taumbayan ang kasaysayan at yamang kultural ng Cagayan.
Ang archaeological digging na sinimulan ng grupo ng University of the Philippines School of Archaeology (UPSOA) noong Hunyo 15, 2026 sa pangunguna ni Dr. Grace Barretto-Tesoro at Architect Augustus Timothy Ong ay bahagi ng pag-aaral nila sa lalawigan ng Cagayan at sa hitik nitong archaeological treasures.
Sa huling araw ng kanilang pag-aaral, binuksan ng UPSOA ang lugar sa publiko sa pamamagitan ng isang archaeological exhibit na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa Cagayan Museum and Historical Research Center sa pangunguna ni Museum Curator Kevin Baclig, National Museum of the Philippines–Cagayan Valley, Cagayan Heritage Conservation Society, Local Government Unit ng Gattaran sa pamamagitan ng Municipal Tourism Office, mga opisyal ng Barangay Nassiping, mga estudyante ng Architecture ng University of St. Louis Tuguegarao, mga miyembro ng Philippine National Police at Bureau of Jail Management and Penology, mga guro at mag-aaral ng Nassiping Elementary School, at mga residente ng komunidad.
Pinasalamatan ni Dr. Barretto-Tesoro ang lahat ng sumuporta sa kanilang grupo at sa lahat ng dumalo sa open exhibit. Ayon sa kanya, ang kanilang pagbabahagi ay upang makita at malaman ng taumbayan na mayaman ang Cagayan sa kasaysayan at upang maging bahagi din ang buong komunidad sa pangangalaga at pagtuklas pa ng mga ito.
Nagpasalamat naman si Baclig sa grupo ni Dr. Barretto-Tesoro sa muling pagpili sa Cagayan upang magsagawa ng mga pag-aaral at mananaliksik.
Inikot ng mga bisita ang iba’t ibang bahagi ng nahukay na tinawag na “trenches” kung saan ipinaliwanag mismo ng mga archaeologist ang kahalagahan ng bawat nahukay at ang naging proseso ng kanilang paghuhukay.
Kabilang sa mga artifact na natuklasan ang iba’t ibang ceramics tulad ng earthernware, stoneware at porcelain, glass, bricks, mga bala, pako, metal cruxifix, at bungo at mga buto ng tao.
Ang Nassiping Church Ruins ang pangalawang digging site na isinapubliko ng UPSOA. Una nang nagsawa ang UPSOA ng paghuhukay sa Pata (Nagsimbaanan) Church Ruins sa Namuac, Sanchez Mira noong nakaraang taon kung saan nagkaroon din public exhibit ng mga artifact na kanilang nahukay doon. Binisita ito mismo ni Gobernador Edgar “Tatay Egay” Aglipay at kanyang inihayag ang kanyang buong suporta sa mga proyektong tulad nito na patuloy na magtutuklas sa hitik na yamang kultural ng probinsiya at magpapaliwanag sa ating nakaraan at sa ating pagkakakilanlan.








