Pumirma ng Memorandum of Agreement (MOA) ang Provincial Government of Cagayan (PGC) at Department of Interior and the Local Government (DILG) Region II kaugnay sa proyektong “Kwarto ni Neneng” sa Capitol Main Building, Tuguegarao City, ngayong Lunes, Nobyembre 18, 2024.
Si Gov. Manuel Mamba ang lumagda bilang kinatawan ng PGC habang si Regional Director Agnes De Leon na inirepresenta ni Assistant Regional Director Elpidio A. Durwin para naman sa DILG.
Ang “Kwarto ni Neneng” ay proyekto na binuo ng mga miyembro ng Provincial Peace and Order Council sa pamumuno ni Gov. Mamba na may layuning tugunan ang problema sa “rape, acts of lasciviousness” at iba pang karahasan sa mga kababaihan at kabataan sa lalawigan.
Tinukoy sa MOA ang tungkulin ng PGC kung saan kabilang dito ang paggawa ng plano, disenyo at implementasyon ng proyekto. Sa panig naman ng DILG, naglaan ang ahensiya ng P500,000 na halaga para sa pagpapatupad nito.
Sa pondong ibinigay ng DILG, mayroong 29 na benepisaryo ang tinukoy ng Technical Working Group na kinabibilangan ng PNP-Women and Children Protection Desk, DILG, Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) at Provincial Engineering Office (PEO).
Ang 29 na benepisaryo ay mula sa 27 na bayan sa Cagayan na may mga biktima ng panggahasa.
Layunin ng “Kwarto ni Neneng” project na lagyan ng kwarto ang mga kabahayan ng mga benepisyaryo na maghihiwalay sa mga lalaki at babae. Ang hakbang na ito ay nabuo matapos lumabas sa imbestigasyon ng mga otoridad na ang mga biktima ng karahasan o panggagahasa kadalasang may iisa lamang na kwarto sa kanilang tahanan o “shared room” na posibleng dahilan kung bakit nangyayari ang krimen lalo na kapag nasa impluwensiya ng nakalalasing na inumin ang lalaking miyembro ng pamilya.
Samantala, nakasama sa MOA signing si PCOL Mardito Anguluan, Hepe ng Cagayan PNP, Elvira Layus ng PSWDO, Engr. Maria Loida Urmatam, Provincial Director ng DILG Cagayan, mga kawani ng DILG R02, PGC at PNP.