Linagdaan na ang isang kasunduan o Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Provincial Government of Cagayan (PGC) at ng Private Schools Athletics Association (PRISAA) upang idaos ang National PRISAA Games sa probinsya sa taong 2025.

Sa Ceremonial MOA Signing na isinagawa ngayong Lunes, Setyembre 30, 2024, naging kinatawan ni Governor Manuel N. Mamba si Provincial Administrator Atty. Maria Rosario Mamb-Villaflor habang inirepresenta naman ni Dr. Esther Susan Perez-Mari ang PRISAA bilang national president nito.

Nakapaloob sa naturang kasunduan ang maayos na kooperasyon at pagtutulungan ng PGC at ng mga opisyal ng PRISAA upang maidaos ng maayos, mapayapa, at ligtas ang kauna-unahang hosting ng National PRISAA Games 2025 sa Cagayan.

Bahagi nito ay nagbigay ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ng P10 milyon na suporta upang gugugulin sa iba’t ibang mga pangangailangan para sa pagsasakatuparan ng nasabing palaro.

Sa naging mensahe ni Atty. Mamba-Villaflor, binigyang-diin nito ang buong pagsuporta ni Gov. Mamba sa mga sports activity dahil nais nito na maipakita ng mga kabataan at manlalarong Cagayano ang kanilang husay sa pakikipagtagisan sa iba’t ibang isport.

Nais din aniya nito na mahubog sa ganitong aktibidad ang iba’t ibang kakayahan ng mga manlalaro lalo na ang pagpapahalaga ng mga ito sa disiplina.

“The Provincial Government is extending its full support. I think the tenacity of being in sports will really help build them for the future of leading this province and possibly our nation. So let us show them what Cagayan is all about, let us show them the real Cagayano” ani Atty. Mamba-Villaflor.

Kaugnay rito, nagpaabot naman ng labis na pasasalamat si Dr. Perez-Mari sa PGC sa pangunguna ni Gov. Mamba dahil sa buong tiwala at pagsuporta nito sa pagdaraos ng National PRISAA GAMES 2025.

Saad pa nito, isang karangalan bilang Cagayano na mapili ang lalawigan na manguna sa ganitong uri ng palaro kaya nakahanda sila upang maiuwi ang tagumpay.

“As a president of National PRISAA it is therefore my pride and honor to show the world that Cagayan has a place in the map of the world. You know when you host the national games it also shows the strength of the province, hence it is also my happiness that Region 2 and the Provincial Government of Cagayan led by our beloved Governor Manuel Mamba shared the same goal of developing students by having a holistic approach. Thus, we are on the same wave length that hosting these national games shall bring great expnces not only to the participants nationwide but to the Province of Cagayan,” pahayag ni Perez-Mari.

Inihayag pa ni Dr. Perez-Mari na aabot sa 12,000 na mga atleta mula sa iba’t ibang mga paaralan sa bansa ang magtutungo sa Cagayan kaya patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulan upang mailatag ang mga hakbang na sisiguro sa kaligtasan ng lahat ng manlalaro.