Nakiisa ang mga Cagayano author sa 2nd Authors’ Summit ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan na ginanap ngayong araw, Hunyo 13, 2023 sa Robinson’s Place, Tuguegarao City.
Ang summit na pinangunahan ng Cagayan Provincial Learning and Resource Center (CPLRC) sa pangunguna ni Michael Pinto, Provincial Librarian, ay isa sa mga aktibidad ng 440th Aggao Nac Cagayan celebration. Katuwang naman ng CPLRC ang Cagayan Province Authors and Writers Association, Inc. o CPAWAI sa paghatid ng pangalawang serye ng Authors’ Summit sa lalawigan.
Ito ay dinaluhan ni Atty. Mabel Villarica-Mamba, ang Unang Ginang at Chairperson ng Steering Committee ng Aggao Nac Cagayan; Arnold Alonzo, Vice-chairperson ng Aggao Nac Cagayan, Eva Flores, CPAWAI President, mga officer ng CPAWAI, mga resource spreaker kabilang sina Dr. Luis Gatmaitan ng National Council for Children’s Television; Nino Kevin Baclig, Cagayan Museum Curator; Marcelo Raquepo, Professor Emeritus ng Cagayan State University; Maricel Dayag-Tungpala, Vice President ng CPAWAI.
Ayon naman kay Pinto, ang Provincial Librarian ng Cagayan, mula sa naganap na Authors’ Summit noong nakaraang taon, nagpapatuloy ang pagsasama-sama ng mga Cagayanong manunulat upang magpatuloy din ang inspirasyon at sigla ng nasimulan sa unang Authors’ Summit.
“Tulad noong nakaraang taon, tampok ang iba’t ibang paksa upang mas matulungan pa ang ating mga awtor at writer sa pagsusulat at sa paglilimbag ng mga akda,” sambit ni Pinto.
Sa kanyang mensahe, nabanggit naman ni Atty. Villarica-Mamba na bahagi ng program ani Governor Manuel Mamba ang mapalago ang kultura, sining, at panitikan sa lalawigan at sa pamamagitan ng Authors’ Summit at iba pang mga proyekto na nakatuon sa pagsusulat tulad ng Cagayan Art and Creative Writing Awards, naipapamalas ng mga Cagayano ang angking husay at talento.
“There are so many things to cultivate in Cagayan, and one is local literature.
We want to organize our authors and writers to hone their skills in writing and also in our goal to preserve our rich culture, including our local languages,” aniya.
Unang binuksan sa aktibidad ang “Book Tiangge” kung saan tampok ang iba’t ibang aklat.
Naging highlight naman ng summit ang awarding ng mga nanalo sa Digital Illustration contest na itinanghal ng CPLRC noong nagdaang anibersaryo ng “I Love Cagayan River” Movement.
Ang mga nanalo sa patimpalak ay sina Shaira Mae Pascual, Edwin Addun, at Darren Donato.
Samantala, ibinahagi naman ng CPAWAI ang kanilang mga plano bilang bagong organisasyon.
Naging bahagi din ng Authors’ Summit si Gatmaitan ang premyadong children’s book author ng mga kilalang aklat tulad ng “Sandosenang Sapatos” at “Ang Pambihirang Buhok ni Raquel.”
Si Dr. Gaitamitan na mas kilala sa katagang “Tito Dok” sa larangan ng literatura sa Pilipinas ay nagbahagi sa mga awtor kung papaano makapaglimbag ang mga manunulat ng kanilang mga obrang kwento.
Ang iba pang mga speaker naman ay nagbahagi ng mga paksa tungkol sa academic writng, creative writing, at Cagayan history and heritage.