
Magkatuwang na pinangunahan nina Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 Director Lucy Alan at Gobernador Edgar “Tatay Egay” Aglipay ang pamamahagi ng tulong sa higit 500 benepisyaryo ng cash for work program sa ilalim ng Project LAWA AT BINHI (PLAB) sa bayan ng Sto. Niño Cagayan.
Ito ay idinaos ngayong Huwebes, Hulyo 2, 2026 sa municipal gymnasium ng Sto. Niño na sinaksihan naman ni Mayor Andrew Vincent Pagurayan at mga municipal official.
Sa naging mensahe ni Gob. Aglipay, ipinaalala nito sa mga benepisyaryo na gamitin ang natanggap na tig-P9,600 sa kanilang mga pangunahing pangangailangan at mahahalagang bagay upang makaagapay sa kanilang mga gastusin at iwasan itong gamitin sa luho, bisyo, o sugal.
Paliwanag ni Gob. Aglipay, ang naturang inisyatiba ay bahagi ng maigting na kolaborasyon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa DSWD Region 2 upang matulungan ang mga Cagayanong nangangailangan. Nagpaabot din ito ng mainit na pasasalamat kay RD Alan dahil sa maigting na pakikiisa at pakikipagtulungan upang maisakatuparan ang magkatuwang na mandato ng ahensya at ng lokal na pamahalaan
Ang Project LAWA at BINHI ay isang programa ng DSWD na naglalayong mapalakas ang kahandaan ng mga komunidad laban sa epekto ng tagtuyot at iba pang suliraning may kaugnayan sa klima, habang lumilikha ng pansamantalang kabuhayan para sa mga benepisyaryo sa pamamagitan ng mga gawaing nakatuon sa pangangalaga sa kapaligiran at pagpapaunlad ng agrikultura sa kanilang lugar.
Samantala, muli namang tiniyak ni RD Alan na nakahanda ang DSWD Region 2 na umagapay at magsulong ng mga pangunahing programang direktang mapakikinabangan ng mga Cagayano sa pamamagitan ng pakikiisa sa mga Local Government Unit (LGU) at sa Provincial Government of Cagayan.







