Ibinida ngayon ng iba’t ibang costume players ang kani-kanilang mga iniidolo o hinahangaang character na hinango sa isang movie, anime, cartoon, at fashion sa ginanap na Cosplay Fest sa SM Downtown Tuguegarao nitong Linggo, bilang pakikiisa sa selebrasyon ng ika-441st Aggao Nac Cagayan.
Mahigit dalawampung costume players ang nagpakitang-gilas sa kanilang magkakaibang character na mula sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Cagayan maging sa mga lalawigan ng Isabela at Kalinga.
Nabatid kay Maria Tamargo na tubong Buguey, Cagayan at Co-founder ng Region 02 Cosplayers Associationna ang pagtatanghal ng mga cosplayer ay bilang pakiisa sa selebrasyon ng Aggao Nac Cagayan na may layuning maipamalas ng mga kalahok ang kanilang mga nagugustuhan at hinahangaang character sa pamamagitan ng pagdadamit na gayang-gaya ang mga personalidad na ito.
Aniya, isa rin itong paraan para maibaling sa iba ang atensiyon ng mga bata at kabataan sa mga hindi magandang gawain at sa paggamit ng mga gadgets.
“Sa pamamagitan nito, this will boost their creativity, they will become physically active at magkaroon din sila exposure at confidence sa sarili sa pagportray nila sa kanilang mga napiling character.
Bukod pa rito ay maconquer nila ang kanilang stage fright, na isa sa main goal natin,” sambit pa ni Tamargo.
Una nang naitatag ang nasabing Asosasyon noong Hunyo taong 2022 dito sa Cagayan sa pamamagitan ni Charlie Boy Lunnay ng Tuguegarao City at sa mga unibersidad gaya ng St. Paul University, University of St. Louis at Cagayan National High School ay may mga nabuo na ring grupo at bahagi din ng mga pagtatanghal.
Ayon sa isang bagong 8 year old cosplay participant na si Karah Miguel ng Tuguegarao City, nakahiligan niyang gayahin si Kamado Nezuko na isang demon slayer.
Ang mga cosplayer ay nagmukhang Barbie Princess, Spider man, Jiraiya, Jujutsu Raisen, Sakura Haruno, at marami pang ibang character at anime.
Ang mga aktibidad na ginanap ay kinabibilangan ng meet and greet, merch showcase, creative face painting, art workshop at cosplay parade sa loob ng mall maging ang mga photo opportunities sa mga paboritong cosplayers.