
Pinaghahandaan na ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang nakatakdang pamamahagi ng tulong sa ilalim ng programang Livelihood Assistance Grant (LAG) sa mga kwalipikadong benepisyaryo sa buong Lalawigan ng Cagayan.
Sa ginanap na Consultative Meeting ngayong Martes, Mayo 20, 2025, pinag-aralan ang proseso at implementasyon ng nasabing programa.
Katuwang ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamagitan ng kanilang Sustainable Livelihood Program (SLP) sa pagpapatupad ng LAG program sa mga Cagayano.
Nabatid kay Brenda Simon, Focal Person ng LAG program na layunin ng pagpupulong na repasuhin at aralin ang mga proseso sa pagbibigay ng tulong sa mga magiging benepisyaryo.
Uunahing tututukan ngayong taon ang mga miyembro ng
Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) graduating sa programa. Isusunod din dito ang iba pang vulnerable sector gaya ng solo parents, indigenous peoples, at iba pa. Ito ay magsilbing isang oportunidad na maiangat ang antas ng kanilang pamumuhay.
Sa inisyal na pulong, masusing naipaliwanag ng DSWD ang mga alituntunin na dapat sundin ng Provincial Government of Cagayan (PGC) at ng mga benepisyaryo ng programa upang tiyaking maayos ang daloy ng implementasyon nito.
Magkatuwang ang DSWD at PSWD sa pagpapatupad nito kung saan ang DSWD ang siyang naatasan sa pagtulong sa mga recipient ng programa sa paggawa ng project proposal samantalang ang PSWD ang siyang magsasanay sa mga benepisyaryo hinggil sa basic business management at skills development bago mabigyan ng certificate of eligibility ang mga ito.
Samantala, ang certificate of eligibility ay isang mandatory requirement para maka-avail ang mga benepisyaryo ng tulong na 5,000 hanggang 10,000 dipende sa magiging assessment sa papasuking negosyo o pangkabuhayan ng mga ito.
Ang mga maaaring pasuking pangkabuhayan ng magiging benepisyaryo ay maaring may kaugnayan sa mga produktong pagkain at inumin, produktong pang-agrikultura, at marami pang iba.
Ang LAG program ng PSWDO na nakaangkla sa programa ni Gobernador Manuel Mamba na bawa’t sektor ay tutulungan ng PGC at ito ay napaglaanan ng pondo ngayong taon sa ilalim ng social programs ng PSWDO.