Tinanggap ni Governor Manuel Mamba ang donasyon na P1 milyon mula sa Pasig City Government sa pamumuno ni Mayor Vico Sotto sa Bangag, Sub-Capitol, Lal-lo, Cagayan, kahapon, Setyembre 14, 2023.
Iniabot ng mga tauhan ni Mayor Sotto na si Maria Lourdes Gonzales, Executive Assistant IV at Julius Obligado ang isang cheke kay Gov. Mamba at Mila Malonga, Provincial Treasurer.
Ayon kay Gov. Mamba, ipamamahagi sa mga Cagayanong naapketuhan ng super typhoon “Egay” ang nasabing donasyon. Ang mga tinukoy ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) at Provincial Social Welfare Development Office (PSWDO) ang siyang mabibigyan. Tinitignan kung ipamamahagi na lamang ito na cash o G.I sheets sa mga nawalan ng tirahan dulot ng bagyo.
Kaugnay rito, bumisita rin sa Cagayan Provincial Learning and Resource Center (CPLRC) ang mga panauhin kung saan mainit na tinanggap ni Michael Pinto, Provincial Librarian at inilibot sa modernong silid aklatan.###