Napabilang na sa iba pang probinsiya sa rehiyon ang Local Committee on Anti-Trafficking and Violence Against Women and their Children o (LCAT-VAWC) ng Probinsiya ng Cagayan matapos sumailalim sa assessment ang konseho sa pangunguna ng Regional Assessment Team ng Department of Interior and Local Government (DILG) kamakailan.

Ito ang iniulat sa ginanap na Second Quarter meeting ng Local Committee for the Protection of Children (LCPC) at LCAT-VAWC sa pangunguna ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) sa Taj Hotel, Tuguegarao City, ngayong Hunyo 20, 2025.

Nabatid kay Acting PSWD Officer Mac Paul V. Alariao, ang highly functional ay nakamit ng probinsiya matapos ang masinsinang assessment ng DILG base sa kanilang pamantayan at ibinabang assessment tool. Nakamit ng probinsiya ang 105/110 na puntos kaya’t nakamit nito ang highly functional level.

Dagdag pa niya na ito ay isang patunay na binibigyang halaga ng probinsiya ang mga pangangailangan, kaligtasan, at karapatan ng bawa’t kababaihan at kabataan upang mawakasan at maiwasan ang pagkakaroon ng biktima ng pang-aabuso at trafficking dito sa l koalawigan ng Cagayan.

Sa nasabing pagpupulong iprinisinta ang Child-Friendly Local Governance Audit (CFLGA) Assessment at Local Development Investment Plan (LDIP) para sa mga Bata, resulta ng LCAT-VAWC Functionality Assessment, at ang pagrepaso sa LAVC Manual of Operations at Children’s Code ng probinsiya.

Ang pulong ay dinaluhan ng mga miyembro ng komite mula sa Philippine National Police, St. Paul University Philippines, DILG, at iba pang ahensiya ng gobyerno at mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.

Umaasa ang PSWDO sa patuloy na suporta mula sa lahat ng miyembro ng komite upang magkaisa sa pagtugon sa mandatong nakaatang sa kanila.