Tinanggap ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang P1,000,000 halaga ng tulong pinansiyal mula sa Lokal na Pamahalaan ng Makati nitong araw ng Biyernes, Marso-01.
Ito ay personal na tinanggap nina Provincial Administrator Atty. Maria Rosario Mamba-Villaflor bilang kinatawan ni Gov. Manuel Mamba at Provincial Treasurer Mila Mallonga sa Makati City Hall, Makati City.
Naglaan ang LGU Makati ng P26.5 Milyon na halaga para makapag-abot ng tulong partikular sa mga lugar sa bansa na nakaranas ng malawakang pagbabaha at lindol noong taong 2023 kung saan kabilang ang lalawigan ng Cagayan, Nothern Samar, Eastern Samar, Surigao del Sur, at Saranggani Province.
Mismong si Makati City Mayor Abby Binay ang nag-abot ng tulong sa mga dumalong representante mula sa 36 na munisipalidad, siyudad, at probinsya sa bansa.
Matatandaang dumanas ng magkakasunod na Super Typhoon ang lalawigan ng Cagayan noong nakaraang taon na nagresulta sa malawakang pagkasira sa sektor ng agrikultura, livestock, at imprastraktura.