Isinagawa ngayong Biyernes, Hulyo 11, 2024 ang kauna-unahang Science Camp sa Cagayan Museum and Historical Research Center, Tuguegarao City.
Tinawag na “Sirok ti Bulan,” ang naturang science camp na may layuning magbigay kaalaman ukol sa kalawakan at himukin ang interes at pagpapahalaga ng publiko sa science, space, at astronomy. Ito ay hatid ng Cagayan Museum sa pakikipagtulungan ng ScienceKonek, isang youth-led organization ng mga science enthusiast, at ng Cagayan Tourism Office.
Sinumulan ang aktibidad sa isang talakayan na pinangunahan nina Ralph Abainza at William Kevin Abran ng ScienceKonek. Tinalakay ang tungkol sa kahalagahan ng siyensiya sa pang araw-araw na buhay at ang mga kamangha-manghang bagay na makikita sa kalangitan at ang kahalagahan nito para sa mga Pilipino, at ang paggamit ng telescope.
Kasama rin sa talakayan si Joshua Jewel Palolan, Cagayan Museum staff at Space Team Member ng ScienceKonek. Ibinahagi niya ang kanyang pagsasaliksik tungkol sa Cagayan Indigenous Astronomy.
Ayon kay Abainza, ang siyensiya ay para sa lahat at bahagi ito ng pang araw-araw na pamumuhay kaya mahalaga aniyang magkaroon ng interes ang lahat dito. Aniya, hindi kailangang boring” ang siyensiya at sa pamamagitan ng mga aktibidad gaya nito ay magkakaroon lalo ng interes ang mga kabataan.
Samantala, sambit naman ni Abran na layon nilang ibaba ang mga ganitong ganap sa mga komunidad upang mapalaganap pa ang “love for science.” Sa pamamagitan din nito sambit niya ay mas maraming natututunan ang mga bata sa labas ng kanilang mga silid-aralan at nagkakaroon sila malawak na pagpapahalaga sa siyensiya at sa yamang kultural na rin ng kanilang lokalidad.
Nagkaroon naman ng Science Exhibit sa AstroPhotos at Rock and Minerals exhibit na dinumog ng mga kabataang dumalo sa science camp.
Pagkatapos ng mga talakayan, ay ang telescope viewing ng mga kalahok, kung saan naranasan nilang makita ang buwan at craters nito. Natuwa at namangha naman ang mga bata na makita ang buwan gamit ang telescope.
May mahigit 100 kalahok ang nakibahagi sa unang Science Camp na ginanap sa Panlalawigan Museo na karamihan ay mga kabataan.