Pumwesto sa ika-anim sa buong bansa ang tubong Lal-lo, Cagayan na si Bettina Cortina Bacuyag sa katatapos lamang na August 2024 Psychometrician Licensure Exam.
Nakuha ni Bacuyag ang 86.20 percentage sa pagsusulit na dahilan para mapabilang sa siyam na pumwesto sa Top 6 sa buong bansa.
Sa kanyang Facebook Post, nagpasalamat si Bacuyag sa lahat ng sumuporta at naniwala sa kanyang kakayahan. Aniya, hindi naging madali ang kanyang pinagdaanan ngunit sa huli ay kinaya nitong makatuntong sa National Topnotchers.
“Maraming salamat sa lahat ng mga sumuporta at naniwala. Hindi madali, pero kinaya!” saad ni Bacuyag.
Iniaalay ni Bacuyag ang tagumpay sa kanyang pamilya, mga kaibigan, lalong-lalo na lahat ng tahimik na lumalaban sa kanilang mga dagok sa buhay.
“This one is for my family, friends, people who supported and believed in me, and most especially for those who are fighting their battles silently. Simula lamang to ng ating adbokasiya,” pahayag pa ni Bacuyag.
Si Bettina Bacuyag ay anak ni dating Board Member Jenerwin Bacuyag ng bayan ng Lal-lo, Cagayan. Nagtapos siya ng Bachelor of Science in Psychology sa Saint Paul University Tuguegarao.