Hindi sinusukat sa bilang ng mga operasyon ang sampung taong paglilingkod ng Task Force Lingkod Cagayan-Quick Response Team (TFLC-QRT). Sumasalamin ito sa bawat buhay na kanilang natulungan, sa bawat pamilyang naagapan sa oras ng panganib, at sa bawat Cagayano na nakadama ng agarang pagtugon sa panahon ng kalamidad at sakuna.

Sa pagdiriwang ng ika-10 anibersaryo ng TFLC-QRT, binalikan ng kanilang focal person na si Arnold Azucena ang naging paglalakbay ng grupo- isang dekadang puno ng sakripisyo, hamon, at walang sawang paglilingkod.

Ayon kay Azucena, ang pag-abot sa sampung taon ay hindi lamang paggunita sa haba ng panahon ng kanilang operasyon, kundi pagkilala rin sa dedikasyon ng bawat responder na nanatiling handang tumugon sa anumang pagkakataon.

Sa loob ng isang dekada, iba’t ibang panganib at pagsubok ang kanilang hinarap. Mula sa mga kalamidad hanggang sa mga emergency na nangangailangan ng agarang aksyon, patuloy nilang isinantabi ang sariling kapakanan upang unahin ang kaligtasan ng kapwa.

“Sa dami ng pagsubok, hanggang ngayon ay mas lalo naming pinapaigting at pinalalakas ang aming grupo. Ginagawa namin ito nang may puso at may kasamang aksyon. Nakikita namin ang kahalagahan ng paglilingkod sa Cagayan at ang saya na dulot nito sa aming mga puso,” ani Azucena.

Sa paglipas ng mga taon, naging higit pa sa isang quick response team ang TFLC-QRT. Naging simbolo ito ng kahandaan, malasakit, at serbisyong hindi nag-aatubiling umaksyon sa oras ng pangangailanga isang patunay na sa gitna ng mga pagsubok, may mga taong handang magsakripisyo upang magligtas ng buhay.

Sa kasalukuyan, binubuo ang TFLC-QRT ng pitong istasyon na may tig-14 na personnel na nakatalaga sa mga bayan ng Tuao, Amulung, Lal-lo, Gonzaga, Ballesteros, Sanchez-Mira, at sa lungsod ng Tuguegarao. Ang estratehikong paglalagay ng mga istasyon ay nagbibigay-daan sa mas mabilis na pagtugon sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.

Itinatag ang TFLC-QRT sa panahon ng administrasyon ni noo’y Gobernador at ngayo’y Bise Gobernador Manuel N. Mamba upang matiyak na may nakahandang puwersang tutugon sa oras ng kalamidad. Sa ilalim naman ng kasalukuyang pamumuno ni Gobernador Edgar “Tatay Egay” Aglipay, patuloy na pinalalakas ang kakayahan ng grupo sa pamamagitan ng pagsasanay, kagamitan, at iba pang programang magpapahusay sa kanilang serbisyo.

Makalipas ang sampung taon, nananatiling buhay ang layunin ng TFLC-QRT-ang maging unang sasaklolo sa oras ng pangangailangan at patuloy na magsilbing katuwang ng bawat Cagayano sa pagharap sa anumang hamon.