Labis ang pasasalamat ni Karen Kae Bergonia mula sa bayan ng Alcala matapos mapermanente sa Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa edad na 24.
Sa employees onboarding na isinagawa ng Provincial Human Resource and Management Office (PHRMO) sa mga bagong permanenteng empleyado ng Provincial Government of Cagayan, kanyang inihayag ang pasasalamat kay Gov. Manuel Mamba at Atty. Mabel Villarica-Mamba dahil sa tiwala na ibinigay sa kanya matapos makuha ang posisyon na Administrative Aide IV ng Alcala Municipal Hospital.
Kaugnay rito, pinatotohanan rin ni Bergonia na hindi kailangan ng “backer” sa pagpasok sa PGC. Aniya, wala siyang kilala sa PGC noong siya ay nagpasa ng aplikasyon para sa nasabing posisyon.
Nakita lamang umano niya sa facebook post ng PHRMO na mayroong bakanteng posisyon at dito niya sinubukang mag-apply. Si Bergonia ay nagtapos ng Business Administration mula sa Cagayan State University-Andrews Campus noong 2022 at nagtrabaho sa isang pribadong kumpanya bago pumasok sa Kapitolyo ng Cagayan noong Pebrero 2024 bilang job order.
“Wala po akong kilala sa PGC. Nakita kong may post na vacant doon po sa facebook at doon po ako nag-apply. Marami po kaming nag-apply hanggang sa anim na lang kaming natira at isa po ako sa nakuha”, paglalahad ni Bergonia.
Kaugnay rito, muli namang pinaalahanan ni Gov. Mamba ang mga bagong empleyado na pagbutihin at isa puso ang paglilingkod sa mga kababayan.
“Katulad ng pumunta kami ng China, alam niyo kung ano ang gumagawa ng trabaho ng rehabilitation doon, AI, artificial intelligence, robot na. They do things to the letter, kaya ang trabaho niyo, madaling trabaho iyan pero ang difference is may puso ka, may relationship ka with your clients. That is why human resource is the most important resource in any organization because there’s a heart, morality, eto tayo,” sambit ni Gov. Mamba.
Samantala, nakasama rin sa orientation ang 23 pa na bagong permanenteng empleyado mula sa Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), Provincial Engineering Office (PEO), Provincial Accounting Office, Alcala Municipal Hospital, Tuao District Hospital, Nuestra Senora De Piat Hospital, Provincial Veterinary Office (PVET), Office of the Provincial Agriculturist (OPA). Ganoon na rin ang mga department head na sina Atty. Loui Socrates ng PHRMO, Atty. Ian Luis Aguila ng General Services Office, Engr. Vincent Taguba, Assistant Provincial Engineer, Rogelio P. Sending Jr. ng Cagayan Provincial Information Office at Helen Donato ng PSWDO.