
Dumaan sa dalawang araw na Basic Tourism Statistics Training ang ilang Municipal Tourism Officers (MTOs) sa lalawigan na isinagawa ng Cagayan Tourism Office (CTO) sa Mango Suites, Tuguegarao City nitong Marso 26-27, 2025.
Ang pagsasanay ay isinagawa upang mahasa pa ang tourism partners ng CTO sa iba’t ibang bayan sa Cagayan sa pagtitipon ng datos sa larangan ng turismo, pagsasaayos nito, at ang pag-aanalisa o pagsisiyasat sa mga datos na upang makatulong sa pagpa-plano at pagdedesisyon sa mga programang nakatuon sa pagpapalago sa industriya.
Pinangunahan ito ni EnP. Jenifer Junio-Baquiran, Provincial Tourism Officer, kasama ang ilang mag Staff ng CTO na naging mga tagapagsalita at tagapamahala ng daloy ng pagsasanay kasama sina Salud Vitug, Supervising Tourism Operations Officer; Honey Carmora, Planning Officer III; Glenda Tubangi, Administrative Aide VI; at Shannen Tolero, Tourism Operations Officer I.
Ang mga naging kalahok na MTOs ay mula sa Alcala, Amulung, Baggao, Enrile, Iguig, Peñablanca, Piat, Rizal, Sto. Niño, Solana, Tuao, at Tuguegarao City.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni EnP. Junio-Baquiran ang halaga ng tourism statistics, ang pagsisikap ng mga MTOs at iba pang tourism stakeholders upang mapalago pa ang industriya ng turismo sa Cagayan.
Aniya, ang tourism statistics ay ang pagsukat ng demand at supply sa turismo na napakahalaga sa paggogobyerno. Ito ay nagpapakita ng kasalukuyang estado ng industriya, nagagamit bilang isang kasangkapan para sa monitoring at evaluation ng epekto ng industriya na magagamit sa angkop at tamang pagpaplano.
Sa nasabing pagsasanay, naging pangunahing mga paksa ang Cagayan Tourism Situationer 2024, Basic Tourism Statistics Filling-out forms, computations and analyses na ibinahagi ng mga tagapagsanay at tagapasalita na sina Tubangui, Vitug, Carmona, at Tolero.
Ipinakilala naman ng Information Systems Unit (ISU) ng Pamahalaang Panlalawigan ang Tourism Supply Profiling System ng Cagayan kung saan naging tagapagsalita sina Raquel Gumpal, Systems Analyst I; Julius Palcong, Information Technology Officer; at Ryan John Calubaquib, Information Technology Officer II at Unite Head ng ISU. Ipinakita nila ang gamit ng profiling system na ito kung saan maaaring mag-input ng mga mahahalagang datos ang tourism accommodation establishments para sa mas maayos na pagtatala ng mga impormasyon kaugnay nito.
Sambit ni EnP. Junio-Baquiran na ang Tourism Supply Profiling System ay isang mahalagang inobasyon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan. Aniya, ang PGC ang kauna-unahang LGU sa buong bansa na bumuo ng ganitong sistema.
Sa Tourism Supply Profiling System, makikita ang datos ng iba’t ibang accommodation establishments tulad ng bed capacity ng mga hotel, average length of stay, employment, marketing and promotion activities, mode of transaction at facilities, maging ang mga serbisyo ng mga hotel na ito.
Samantala, una nang naisagawa ang pagsasanay na ito sa iba pang mga tourism stakeholder ng lalawigan at iba pang MTOs ng Cagayan.