Sumailalim sa limang araw na Generic Basic Life Support at Standard First Aid Training of Facilitators ang 25 medical at administrative personnel mula sa Provincial Health Office (PHO) at District Hospitals na isinagawa sa Sta. Ana, Cagayan mula Marso 24-28, 2025.

Ayon sa PHO, layunin ng pagsasanay na palakasin ang kakayahan ng Health Emergency Response Team hindi lamang sa pagsasagawa ng BLS at SFA kun’di pati na rin sa pagtuturo nito. Sa pamamagitan ng aktibidad na ito, sila ay hinahasa bilang ‘facilitators’ o tagapagsanay sa mga responder mula sa iba’t ibang munisipalidad sa lalawigan.

Saklaw ng pagsasanay ang classroom management, delivery of training modules, skills demonstration, at return demonstration, pati na rin ang isang simulation exercise kung saan sinubok ang kahandaan ng mga kalahok sa aktuwal na emergency situations.

Ayon kay DRRM-H Manager Robert Umoso, Nurse IV ng PHO, bahagi ito ng plano upang ma-institutionalize ang Disaster Risk Reduction and Management in Health Plan sa bawa’t munisipalidad at tiyaking may sapat na bilang ng mga bihasang trainer sa buong lalawigan.

Binanggit din nito na ang Cagayan ang kauna-unahang probinsiya na may centralized pool of trainers mula sa PHO at district hospitals, alinsunod sa direktiba ni Governor Manuel Mamba na palakasin ang health emergency response ng Kapitolyo ng Cagayan.

Kauganay rito, sa mensahe naman ni Provincial Health Officer Dr. Rebecca Battung, binigyang-diin nito ang pagiging facilitator ay hindi lamang isang tungkulin kun’di isang mas malaking responsibilidad para sa komunidad.

Dagdag pa niya, bagama’t hindi niya nais na magamit ito dahil nangangahulugan ito ng sakuna, mahalaga pa rin na laging handa ang bawa’t isa.

Samantala, isinagawa ang pagsasanay sa pakikipagtulungan ng Cagayan Valley Center for Health Development (CVCHD), na naging katuwang ng PHO sa pagbibigay ng mga kaalaman at kasanayan sa mga kalahok.