Sa pagnanais na maihanda ang lalawigan ng Cagayan sa pagbubukas nito sa pandaigdigang kalakalan, pinagtuunan ng panisin ni Gob. Manuel Mamba ang mga proyektong imprastraktura. Hindi lamang sa pagkokonekta sa mga bayan sa mga kongkretong kalsada kun’di maging ang mga pagtatayo ng gusali at mga pasilidad na kailangan ng mga Cagayano.

Sa ilalim ng kanyang administrasyon, halos limang daang gusali at pasilidad na ang naipatayo at naayos simula nang maupo bilang Ama ng Lalawigan na nagdala ng makabuluhang pagbabago sa Cagayan.

Sa ibinahaging datos ng Provincial Engineering Office (PEO) ng Provincial Government of Cagayan, kinumpirma na nasa 445 na proyektong imprastraktura na ang naipatayo at naayos sa iba’t ibang bayan sa lalawigan mula sa taong 2016 hanggang 2023.

Isa sa mga pangunahing inisyatibo ni Gob. Mamba ay ang pagtatayo ng mga gusali at pasilidad sa Bangag Sub-Capitol sa Lal-lo upang mas mapalapit ang serbisyo sa mga Cagayano sa una at segunda distrito. Sa kasalukuyan, mayroon nang 26 bagong gusali sa nasabing lugar na tumutugon sa iba’t ibang pangangailangan ng mamamayan.

Sa Capitol Compound sa Tuguegarao City, kabuuang 30 gusali ang naitayo habang patuloy namang itinatayo ang 23 iba pa. Ang mga proyektong ito ay naglalayong gawing sentro ng maayos at epektibong pamamahala ang lungsod

Bilang probinsyang nakadepende sa agrikultura, nakapagtayo rin ang administrasyon ng 12 na gusali at pasilidad na malaking tulong sa mga magsasaka.

Mayroong 24 sa Ballesteros Breeding Station sa Zitanga sa bayan ng Ballesteros at 8 sa Lannig Stock Farm sa bayan ng Solana upang mapalakas ang produksyon at kaalaman sa agrikultura ng mga magsasaka.

Nakapagpatayo rin ng mahahalagang pasilidad sa mga pagmamay-aring lupa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan, kabilang ang dalawang gusali sa Cagayan Provincial Learning and Resource Center; 2 pasilidad sa Provincial Museum; 8 gusali sa Nassiping Eco-Tourism Park sa Gattaran, at 11 pasilidad sa Cagayan Sports Complex.

Hindi rin nakaligtaan ang sektor ng kalusugan. Sa kagustuhan na magkaroon ng maayos na mga pasilidad ni Gob. Mamba, naipagawa nito at naisaayos ang 12 district hospitals sa iba’t ibang bahagi ng probinsya. Kabilang dito ang Aparri District Hospital, Ballesteros District Hospital, Matilde Olivas District sa Camalaniugan, Hospital Nuestra Señora de Piat District Hospital, Lasam District Hospital, Alfonso Ponce Enrile District Hospital Gattaran Emergency Hospital, Sta. Ana Community Hospital, Northern Cagayan District Hospital sa Sanchez Mira, Alcala Municipal Hospital , at Baggao District Hospital Tuao District Hospitals na ngayon ay nagbibigay na ng mas mahusay na serbisyong medikal sa mga Cagayano.

Bukod naman sa mga proyektong pinondohan ng PGC, may mahigit pang 100 na karagdagang istruktura ang naipatayo sa tulong ng national government agencies dahil sa maayos na implementasyon ni Gob. Mamba na mas lalong nagbukas ng mas maraming oportunidad para sa probinsiya.

Sa ngayon, ayon sa Gobernador, dahil naihanda na ang mga proyektong imprastraktura sa lalawigan, tinututukan na ngayon ng kanyang administrasyon ang mga “big projects” katulad ng Cagayan International Gateway Project sa kanyang hangarin na pag-unlad ng buhay ng bawa’t mamamayang Cagayano.

Ang mga ito ay hindi lamang resulta ng maayos na pamumuno at masusing pagpaplano kun’di bunga rin ng matibay na prinsipyo at dedikasyon na ipinamalas ng kasalukuyang pinuno ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan na maghatid ng dekalidad na serbisyo publiko para sa mga Cagayano.

Ang halos limang daang gusali’t pasilidad na naipatayo at naayos ay sumasalamin sa malawakang plano ng administrasyon ni Gob. Mamba, at nagsisilbing pamana nito para sa isang mas maunlad na probinsiya. Sa tulong ng epektibong pamamahala at tamang alokasyon ng pondo, naging posible ang mga proyektong ito.

Ang mga proyektong ito ay sumasalamin sa isang lider na hindi lamang nangangako kun’di tunay na kumikilos para sa pagbabago.

Ito ay patunay na rin na ang tunay na pagbabago ay nangyayari kapag ang liderato ay tama at nakatuon sa pangangailangan ng bawa’t isa sa Cagayan.