Umabot sa halos 2,000 residente ang natulungan sa pamamagitan ng paghahatid ng mga libreng serbisyong medikal ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan (PGC) sa pamamagitan ng Provincial Health Office (PHO) sa bayan ng Sto. Niño, Cagayan ngayong Biyernes, Oktubre 24, 2025.

Ang naturang programa ay bahagi ng “Sugod Barangay, Nagkaka-1 Cagayan Para sa Kalusugan at Kaligtasan” na pinangunahan ni Gobernador Edgar “Manong Egay” Aglipay, katuwang sina Provincial Health Officer Dr. Rebecca Battung at Deputy Chief of Staff Atty. Jay-em Cuntapay.

Binigyang-diin ni Gob. Aglipay ang kahalagahan ng pagbibigay ng libreng access sa mga serbisyong medikal, lalo na sa mga malalayong lugar, upang matiyak ang maayos na kalusugan ng bawa’t Cagayano.

Dagdag pa niya, nakapaloob ito sa kanyang E.G.A.Y. Governance Platform na layuning masiguro na walang Cagayano ang mapag-iiwanan sa mga programa at serbisyo tungo sa pag-unlad.

Kaugnay rito, dalawang lokasyon ang tinungo ng grupo upang makapagbahagi ng libreng mga serbisyo, kabilang ang Brgy. Tabang at Brgy. Centro Norte.

Kabilang sa mga programang naihatid ng Health Bus ng PHO ang medical at dental consultation, check-up, pamamahagi ng gamot, laboratory services, at iba pang serbisyong pangkalusugan, sa tulong ng mga hepe ng District Hospitals, Municipal Health Office ng Sto. Niño, at mga opisyal ng barangay.

Nanguna rin ang Ama ng Lalawigan sa feeding program sa pamamagitan ng Hot Meals on Wheels para sa mga kabataan ng nasabing bayan.

Kasabay ng aktibidad ay nagsagawa rin ng iba’t ibang educational lectures para sa mga kabataan at opisyal ng barangay, gaya ng tamang paggamit ng gadgets at cybersecurity awareness mula sa Department of Information and Communications Technology (DICT), at life-saving techniques mula naman sa Bureau of Fire Protection (BFP).

Naging pangunahing katuwang ng Kapitolyo si Atty. Jay Em Cuntapay, Deputy Chief of Staff ni Gob. Manong Egay Aglipay, para maipadama sa mga mamamayan ng Sto. Niño ang malasakit at pagmamahal ng Aglipay-Mamba Administration.

Samantala, dinaluhan rin ang aktibidad ng mga miyembro ng One Cagayan Vision Team at iba pang opisyal ng nasabing munisipalidad.