Patuloy ang pagpalarga ng Gulayan sa Pamilya Program ni Gobernador Edgar “Manong Egay” Aglipay sa bayan ng Tuao, Cagayan sa pangunguna ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan nitong Disyembre 16, 2025.

Matagumpay na naisakatuparan ang programa sa 31 barangay ng Tuao bilang bahagi ng patuloy na pagsusumikap ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan na palakasin ang seguridad sa pagkain at kabuhayan ng mga pamilyang nasa kanayunan.

Ang programa ay bahagi ng adbokasiya ni Gobernador Aglipay na “No Family Left Behind,” na naglalayong matiyak na may sapat at masustansyang pagkain ang bawa’t pamilyang Cagayano, kasabay ng paghihikayat na magkaroon ng sariling gulayan sa mga bakuran.

Ayon sa OPA, bawa’t barangay ay may tig-90 benepisyaryo na tumanggap ng tig-20 piraso ng assorted vegetable seedlings. Kabilang sa mga ipinamahaging punla ang kamatis, talong, sili, ampalaya, at iba pang uri ng gulay na madaling itanim at alagaan.

Sa kabuuan, umabot sa 57,600 piraso ng assorted vegetable seedlings ang naipamahagi sa buong bayan ng Tuao.

Naging katuwang ng OPA sa pamamahagi ng mga punla ang mga kawani ng Municipal Agriculture Office (MAO) ng Tuao at ilang miyembro ng Sangguniang Bayan, na aktibong tumulong upang masiguro ang maayos at pantay na distribusyon ng tulong sa bawa’t barangay.