Tinanggap ni Governor Manuel Mamba at Michael Pinto, ang Provincial Librarian ng Cagayan, kasama ng Unang Ginang ng lalawigan na si Atty. Mabel Villarica-Mamba ang dalawang parangal mula sa National Library of the Philippines (NLP) dahil sa mga inobasyon ng Cagayan Provincial Learning and Resource Center (CPLRC) ngayong araw, Agosto 25, 2023 sa NLP Auditorium, Manila.

Kinilala ng NLP ang CPLRC bilang Gawad Pampublikong Aklatan 2023 awardee na may “Most Innovative Public Library (Building/Physical Set-up) dahil sa makabago at modernong physical set-up nito. Bukod dito, iginawad din ang “Best PREX Activity for Livelihood and Employment” award dahil sa proyekto nitong 7th Free Civil Service Review para sa mga Cagayano.

Ayon kay Pinto, hindi maisasakatuparan ang mga inobasyon sa panlalawigang aklatan kung hindi dahil sa walang sawang suporta ni Governor Manuel N. Mamba na siyang nagsulong upang mapaganda pa ang serbisyo ng CPLRC.

“Muli, ito po ay malaking bahagi sa tagumpay ng CPLRC sa pangunguna ng ama ng lalawigan at ang buong staff ng CPLRC. Ito po ang nagagawa ng tapat na pagseserbisyo lalo na kung ang isang lider ay hindi bumibili ng boto. Tapat na serbisyo, walang korapsyon, maayos na pasilidad at serbisyo,” sambit ni Pinto.

Ang pagsasaayos ng CPLRC ay isa sa mga naging prayoridad ni Gov. Mamba noong una siyang maupo bilang ama ng lalawigan. Sa mga nakalipas na taon, patuloy na umaani ng parangal at pagkilala ang Panlalawigang Aklatan dahil sa mga modernong pasilidad at gamit nito, ang pagbibigay serbisyo ng CPLRC ay naihahatid hindi lamang sa mga mag-aaral at guro, maging sa buong komunidad.