Nakatakdang gawaran ng titulo bilang “Doctor of Excellence in Industrial Security Management” si Gobernador Edgar “Manong Egay” Aglipay sa nalalapit na 18th International Security Management Convention ng Philippine Society for Industrial Security International, Inc. (PSIS) na gaganapin sa Okada Manila Grand Ballroom sa darating na Oktubre 27–28, 2025.

Ang nasabing parangal ay pagkilala sa naging mahalagang kontribusyon ni Gob. Aglipay sa larangan ng seguridad at industriya ng pamamahala, gayundin sa kanyang natatanging serbisyo bilang dating Hepe ng Philippine National Police (PNP).

Sa pamamagitan ng naturang pagkilala, pinapupurihan ng PSIS ang malalim na ambag ni Gob. Aglipay sa pagpapalakas at pagpapaunlad ng industriya ng seguridad sa bansa.

Bilang bahagi ng programa, inanyayahan din ng PSIS ang Ama ng Lalawigan upang maging panauhing pandangal at pangunahing tagapagsalita sa nasabing pagtitipon na may temang “Navigating the Future of Security Professionals.”

Samantala, layunin ng inisyatibang ito na higit pang paigtingin ang propesyonalismo at itaguyod ang mataas na pamantayan ng seguridad at integridad sa mga industriya at institusyon.