Pinagkalooban ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ng mobility assets ang lahat ng istasyon ng kapulisan sa lalawigan ng Cagayan ngayong Sabado, Mayo 31, 2025.

Ito ay sa pangunguna ni Governor Manuel Mamba kung saan lahat ng himpilan ng pulisya mula sa 28 bayan at isang siyudad ay nakatanggap ng Multi-Purpose Vehicle (MPV) na magagamit sa kanilang pagseserbisyo sa mga nasasakupang lugar.

Nasa kabuuang 34 na mga MPV ang iginawad sa Cagayan Police Provincial Office kung saan 28 rito ang para sa bawa’t munisipalidad habang lima naman ang para sa Lungsod ng Tuguegarao at isa para sa Tourist Police.

Sa naging mensahe ni Gov. Mamba, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng pagsuporta sa hanay ng kapulisan tungo sa mas maayos na pagseserbisyo para sa bawa’t Cagayano.

Ipinunto din nito na mahalaga ang pagkakaroon ng maayos na ugnayan at kolaborasyon ng kapulisan at ng Provincial Government upang maisakatuparan ang iisang layuning mapangalagaan ang mga Cagayano at matiyak ang seguridad sa buong lalawigan.

“I want to capacitate my partners because how can we move together, how could we have programs together kung hindi mo sila ka-partner sa ginagawa mo. Let’s make the police dito [Cagayan] and everybody work for what is best for our province,” pahayag ni Gov. Mamba.

Siniguro naman ni Gov. Mamba na sa pagpasok ng bagog administrasyon sa ilalim ng pamumuno ni Governor Elect, Retired General Edgar “Manong Egay” Aglipay ay lalo pang palalawakin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang ugnayan at kolaborasyon nito sa kapulisan upang maisakatuparan ang iba pang mandato at hangaring magpapabuti sa probinsya.

Samantala, nagpaabot naman ng pasasalamat si PCOL Mardito Anguluan, Provincial Director ng Cagayan Police Provincial Office (CPPO) kay Gov. Manuel Mamba dahil sa patuloy na pagsuporta nito sa iba’t ibang pangangailangan ng kapulisan sa Cagayan.

Pinuri rin nito ang mga programa ni Gov. Mamba upang matutukan ang pangangailangan ng pulisya tulad ng pamamahagi ng financial at logistics support, mobility assets, at iba pang ginagamit na ngayon ng Cagayano Cops sa pagtupad ng kanilang tungkulin.

Nangako rin ang direktor na lalo pang paghuhusayin ng kapulisan ang pagtupad ng kanilang tungkulin at iingatan ang lahat ng mga kagamitan at suportang ibinigay ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa hanay ng CPPO.