Pormal nang pinasinayaan ang Farm-to-Market Road (FMR) sa bahagi ng Brgy. Maddarulug Norte, Enrile, Cagayan ngayong Biyernes, Mayo 2, 2025.

Ito ay matapos ang konstruksyon ng kalsada kung saan pinangunahan mismo ni Gov. Manuel N. Mamba ang pagpapasinaya.

Batay sa datos na ibinahagi ni Provincial Engr. Kingstone James Dela Cruz, ang kinongkretong barangay road ay may habang 570 meters mula sa National Highway papasok sa naturang barangay.

Inihayag nito na ang naturang proyekto ay pinondohan ng P12 Milyon sa ilalim ng Supplemental Budget ng Pamahalaang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.

Ayon kay Engr. Dela Cruz, nais ni Gob. Mamba na maibigay ang dekalidad na proyekto para sa mga Cagayano kaya’t isinakatuparan ang pagsasaayos sa naturang kalsada batay sa angkop na disenyo sa lokasyong kinaroroonan nito kung saan naglagay aniya sila ng mga slope protection dahil sa mismong gilid ito ng National Irrigation Canal.

Sa naging mensahe ni Gov. Mamba, muli nitong binigyang-diin ang mandato ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan na walang mapag-iiwanang mga barangay at munisipalidad sa lalawigan.

Siniguro ng Ama ng Lalawigan na isasakatuparan ng Pamahalaang Panlalawigan ang mga programa at serbisyong tutugon sa pangangailangan ng mga Cagayano tulad na lamang ng pagsasaayos sa mga provincial road na pinakikinabangan na ng mga mamamayan.

Ipinunto pa ni Gov. Mamba na ang pagsasakatuparan sa iba’t ibang mga proyekto sa lalawigan tulad ng pang-imprastaktura, pang-agrikultura, at pag-supporta sa mga barangay at munisipalidad ay mahalaga dahil pakikinabangan ito ng pangmatagalan at hanggang sa susunod pang henerasyon.

“We tried to defiine a better future for ourselves and for our children, gusto ko lang sabihin po inyo na hindi puwedeng balewalain ang kinabukasan dahil ito ay para sa ating mga anak at sa anak ng anak natin,” ani Gob. Mamba.

Sinabi pa ni Gov. Mamba na sa pamagitan ng pagpapabuti sa Cagayan at sa bawa’t mamayan nito ay nalutas ang problema sa insurhensiya kaya idineklara na itong “insurgency free” ng kasundaluhan at kapulisan.

Ipinabatid pa ni Gob. Mamba na hindi baril at bala ang naging sandata ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan upang malutas ang problema sa insurhensiya kun’di ang paglapit ng mga serbisyo sa komunidad kasama na ang pagsasaayos ng mga kalsada, ospital, paaralan, at iba pa tungo sa pag-unlad.

“Kababalin tere la ya insurgency, ammu nu yan, mari yakan ya nakkahi nga awan na NPA tiya Cagayanin, AFP and PNP ya nakkahi. Marik kinikkiddo yan. Ya nelabalaban ku kan insurgency eh mari nga palattig, mari nga balas, napiya nga aggobyerno. Ya nelaban ku napaya nga development dama karaywan nga barangay asan project ya Provincial Government nu,” pahayag ni pa Gob. Mamba.