Personal na ipinasakamay ni Cagayan Governor Manuel N. Mamba ang isang brand new modern utility vehicle sa hanay ng Reserve Infantry Battalion, Philippine Army kasabay ng regular flag raising ceremony ngayong Lunes, Pebrero 10, 2025.

Ang pamamahagi ng sasakyan ay bahagi ng inisyatibo ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan mula nang maupo sa panunungkulan si Gob. Mamba upang makaagapay sa pagtungon sa iba’t ibang pangangailangan ng mga nasa hanay ng security forces tungo sa pagtupad ng kanilang tungkulin.

Ayon kay COL Monib Mamao, Group Commander, 2nd Regional Community Defense Group, taos-puso ang kanilang pasasalamat sa Ama ng Lalawigan dahil sa patuloy na pagbibigay ng suporta sa hanay ng kasundaluhan.

Malaking bagay aniya ang ganitong sasakyan para sa karagdagang mobilidad na magagamit ng kanilang hanay sa iba’t ibang aktibidad tulad ng disaster response at pagbabantay sa seguridad ng mga nasasakupang lugar sa Cagayan.

Magsisilbi aniyang inspirasyon ang patuloy na pagsuporta ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan tungo sa mas maigting na pagsasakatuparan sa kanilang mandato at tungkulin.

Samantala, kasama naman ni COL Mamao na tumanggap sina LTC Rosalinda Callang, General Staff Corps of the Philippine Army, Battalion Commander at si LTC Floyd Gano, General Staff Corps of the Philippine Army, Director of Community Defense Center.