Pinuri at ipinagmalaki ni Governor Manuel Mamba ang pagkabuo ng Club Numero Uno-isang programa para sa mga mag-aaral, kasabay ng ginanap na ceremonial distribution ng educational assistance sa batch 1 ng mga benepisyaryong mag-aaral sa regular flag raising ceremony ngayong Lunes, ika-17 ng Pebrero.

Sa naging mensahe ng Ama ng Lalawigan, ibinahagi nito kung paano nabuo ang naturang programa. Aniya, ang Club Numero Uno ay nagsimula noong siya ay kasalukuyang Congressman ng tersera distrito na naglalayong bigyang-pagkilala at suporta ang mga mag-aaral na nagsipagtapos at nagkamit ng pinakamataas na pwesto sa kanilang paaralan sa pamamagitan ng pagbibigay ng educational assistance.

Dagdag pa ni Gob. Mamba, sa pamamagitan din ng binuong programa ay magagabayan nito ang mga mag-aaral hinggil sa pagiging mabuting lider at mamamayan sa kanilang komunidad.

“I just want you to know why I coming up with Club Numero Uno, I started this when I was still Congressman because nobody cared about the Valedictorians of the [province]. They are best of the cream of the crop, they are gifted people, they are very intelligent [individuals] and yet who will guide them. Interesado ako because, I wanted to have some influence over them or maybe inspire also how to be [good] leaders. Because they are leaders in their own time, becoming the prime, the number one in their class,” ani Gob. Mamba.

“Aalagaan ko ang mga valedictorian, lahat ng mga valedictorian sa high school kukunin ko, elementary, graduate man o nasa college. [Because] in a way we should continue the legacy and dream of a dreamer who wanted to be something for his nation. And that is why I started the [Club Numero Uno],” dagdag pa ng Gobernador.

Kaugnay rito, hinikayat ni Gob. Mamba ang mga benepisyaryo Club Numero Uno na maging mabuting inspirasyon at modelo sa iba pang mga kabataan na nagsisikap na itaguyod ang kanilang pag-aaral. Pinaalalahanan din nito ang bawa’t isa na magsakripisyo, hindi lamang para sa sariling kapakanan nguni’t higit para sa bayan at sa susunod na henerasyon.

“Be an exemplar to our community, love our country and sacrifice a bit, because a lot of people look up to you especially your classmates, those who really believe in you. Make them proud of you, inspire them and be a better Filipino who would do something for our nation. Congratulations and best wishes,” payo ng Gobernador.

Ang Club Numero Uno ay isang scholarship program na binuo para sa mga estudyanteng nagsipagtapos bilang valedictorian sa High School o Senior High School sa pampubliko at pribadong paaralan sa probinsiya ng Cagayan. Ang pagkatatag din ng naturang programa ay dahil sa inisyatibo ni Governor Manuel Mamba noong siya ay kasalukuyang Congressman ng tersera distrito at nagtuluy-tuloy mula nang siya ay umupo bilang Gobernador sa probinsiya ng Cagayan.

Samantala, ang regular flag raising ceremony ay pinangunahan ng Provincial Accountant’s Office kasama si Governor Manuel Mamba, Provincial Administrator Atty. Maria Rosario Mamba-Villaflor, 3rd District Board Member Rodrigo De Asis, Ex-Office Board Member at Sangguniang Kabataan President Rey Jirowell Alameda, department heads, consultants, at mga empleyado ng Kapitolyo ng Cagayan.