Tiniyak ni Gobernador Edgar “Tatay Egay” Aglipay na isasakatuparan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang PROJECT KA-AKAP na inihain ng mga student leader sa katatapos na Cagayan Student Leaders Camp 2026 na ginanap sa Cagayan Farm School sa Anquiray, Amulung, at nagtapos ngayong Hunyo 4, 2026.

Ang PROJECT KAbataang Aktibong Katuwang sa Agrikultura at Pangingisda (KA-AKAP) ay naglalayong magbigay ng training assistance, equipment support, at educational aid para sa mga anak ng magsasaka at mangingisda sa buong lalawigan.

Binuo ang konsepto ng mga kabataan bilang pagkilala sa mahalagang papel ng agrikultura at pangingisda bilang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng maraming Cagayano. Layunin nitong palakasin ang kaalaman at kasanayan ng mga benepisyaryo sa pamamagitan ng mga pagsasanay, pagbibigay ng kagamitan, at scholarship support para sa kanilang mga anak.

Ayon kay Gob. Aglipay, matapos ang masusing pagsusuri at rekomendasyon, sisikapin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan na maisama sa budget ngayong taon ang proyekto upang maipatupad sususunod na taon.

Binigyang-diin din ng gobernador ang kanyang mensahe ng inspirasyon sa mga kabataan gamit ang limang salitang gabay: dream, dedicated, diligence, discipline, at destiny, na aniya’y susi sa pag-unlad ng lalawigan.

“Let’s dream high, let’s bring Cagayan at the level like Singapore of Southeast Asia. With young leaders like you, there is no doubt that we can do it,” pahayag ni Aglipay.

Ang proyekto ay nabuo sa ikalawang araw ng camp at matagumpay na naipagtanggol sa harap ng mga panelist na kinabibilangan nina BM Atty. Engelbert Caronan, Dr. Archie Articulo, Atty. Jay-Em Cuntapay, Provincial Planning and Development Coordinator Elisa Umoso, at Local Youth Development Officer Meynard Abram Ventura.

Bukod sa project pitching, tinalakay din sa camp ang tourism and development ng Cagayan, disaster preparedness at basic life support, at iba’t ibang team-building activities.

Tiniyak din sa mga kabataan na mabibigyang katuparan ang iba pang proposal gaya ng Project Access and Bridging to Liberated Education (PROJECT ABLE) at Project– Intelligent Scholarship Knowledge and Opportunity Network for Educational Koneksyon and Techno Hub Park (PROJECT ISKO-NEK PARK) at Project Empowering Students Trough Accessible Learning Support and Educational Development (PROJECT EDU-AKSYON).

Ang konsepto ng naturang aktibidad ay unang inilatag ni Tuguegarao City Mayor Maila Ting-Que katuwang ang City Youth Development Officer na si Dominic Baggayan, gayundin ang grupo ng mga youth leaders at volunteers na pinamunuan nina Zach Singson at Kyle Diciano.

Sa kanyang mensahe sa mga youth campers, hinikayat ni Mayor Ting-Que ang mga kabataan na maging mabuting lider at aktibong gampanan ang kanilang papel sa pagpapaunlad hindi lamang ng Lungsod ng Tuguegarao kundi ng buong Lalawigan ng Cagayan.

Samantala, dumalo rin sa pagtatapos ng aktibidad sina Board Member Atty. Engelbert Caronan, Deputy Chief of Staff Atty. Jay-Em Cuntapay , Dr.Pearl Mabasa, Agriculture Sector Vision Team Member, at iba pang Vision team members ng probinsiya.