
Bukas ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pangunguna ni Gobernador Edgar “Manong Egay” Aglipay sa maigting na kolaborasyon at ugnayan sa pagitan ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Region 2 para sa epektibong implementasyon ng Provincial Housing and Settlements Development Program sa Cagayan.
Ito ang binigyang-diin ng Ama ng Lalawigan kasunod ng isinagawang pagbisita ng mga opisyal at kinatawan ng DHSUD Region 2 sa pangunguna ni Regional Director Marvin Feraren ngayong Biyernes, Enero 23, 2026.
Kaugnay rito, iprinisinta ng DHSUD Region 2 kina Gob. Aglipay, Vision Team Chairperson at 3rd District Board Member Atty. Engelbert “Jojo” Caronan, at Deputy Chief of Staff Atty. Jay-em Cuntapay ang mga polisiya at hakbang na dapat isakatuparan para sa implementasyon ng programa.
Sa mensahe ni Gob. Aglipay, pinasalamatan nito si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dahil sa patuloy na pagbibigay-suporta at pagsasakatuparan sa pangako nitong matulungan ang mga Cagayano lalo na ang mga madalas apektado ng kalamidad.
Target ng programa na matulungan ang mga Cagayano na nakatira sa mga lugar na malapit sa mga dalampasigan at maging ang mga residenteng unti-unting kinakain ng pagguho ng lupa ang kanilang mga kabahayan na lalo pang naaapektuhan sa panahon ng kalamidad.
Bahagi nito, maigting naman ang direktiba ni Gob. Aglipay na palakasin ang ugnayan sa mga bayan upang matukoy ang mga residenteng dapat matulungan at busisiin ang mga prosesong dapat ilatag para sa tagumpay ng proyekto.
Tiniyak din ni RD Feraren na nakahanda ang kanilang hanay na makipagtulungan sa Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pagbibigay ng iba’t ibang tulong na nakabatay sa kanilang mahalagang mandato na tiyakin ang ligtas, disenteng, at abot-kayang pabahay para sa lahat.
Samantala, ang naturang hakbang ng pamahalaan ay nakahanay din sa adbokasiyang isinusulong ni Gob. Aglipay sa ilalim ng kanyang E. G. A. Y Governance Platform at ng hangarin ng Bagong Pilipinas na maghatid ng kapaki-pakinabang na serbisyo para sa bawa’t Pilipino.







