Pinangunahan ni Gobernador Edgar “Tatay Egay” Aglipay ang pulong at pagpapakilala ng ipatutupad na Hydroponics o “Gulayan sa Paaralan” Program ng Provincial Government of Cagayan (PGC) sa 155 secondary school principals ng lalawigan na ginanap sa Capitol Commissary ngayong Huwebes, Hulyo 16, 2026.

Layunin ng programang Gulayan sa Paaralan na palakasin ang edukasyon, mailayo ang mga kabataan sa karahasan sa paaralan, isulong ang student agripreneurship, suportahan ang school-based nutrition programs sa pamamagitan ng feeding initiatives, at makalikha ng mga gawaing pangkabuhayan upang matiyak ang pangmatagalang pagpapatuloy ng proyekto.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Gob. Aglipay ang kahalagahan ng programa para sa kapakanan ng mga mag-aaral. Hinikayat din niya ang buong suporta at pakikiisa ng mga guro, at school heads upang matagumpay na maipatupad ang proyekto sa mga darating na buwan.

Ibinahagi naman ni Engr. Pearl Mabasa, Agriculture Cluster Head ng One Cagayan Vision Team, ang mga dokumentong kinakailangan para sa implementasyon ng proyekto sa ilalim ng Philippine Reclamation Authority (PRA). Ipinaliwanag niya na ang bawat paaralan ay kailangang magkaroon ng 8×4 metrong lugar para sa greenhouse na may sapat na suplay ng tubig at kuryente, kung saan itatanim ang mga gulay tulad ng lettuce, pechay, at kangkong.

Ayon pa kay Engr. Mabasa, magsasagawa muna ang Office of the Provincial Agriculturist (OPA) ng site inspection at validation sa mga paaralan. Kasabay nito ang pagsasanay para sa mga paaralang may nakahandang lugar para sa pagtatayo ng greenhouse.

Nauna nang nakipagpulong si Engr. Mabasa bilang kinatawan ni Gob. Aglipay sa PRA para sa implementasyon ng pangako ni First Lady Liza Araneta-Marcos noong bumisita sa PGC. Sa pamamagitan nito, nakakuha ang PGC ng suporta para sa 140 hydroponics facilities na may kasamang starter kits na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P42 milyon.

Target ilunsad ang 70 hydrophonics units sa buwan ng Oktubre 2026 matapos na maisumite sa PRA ang mga dokumento at isusunod naman ang karagdagang 70 units para naman sa mga mag-aaral ng elementarya.

Kaugnay nito, nangako naman ng buong suporta sa programa si School Division Superintendent Reynante Caliguiran ng DepEd Schools Division Office. Hinikayat pa niya ang mga dumalong school heads na makipagtulungan sa programang Gulayan sa Paaralan ng PGC.

Samantala, nakiisa sa aktibidad si Gen. Felipe H. Buena Jr. (Ret), Chief of Staff ng Governo’s Office at ibinahagi niya ang mga programa at proyektong isinusulong ng PGC sa pamumuno ni Gob. Aglipay, partikular ang ‘No Household Left Behind’ kung saan nasa ilalim din nito ang Gulayan sa Paaralan para sa mga kabataang Cagayano.