
Pinangunanhan ni Gobernador Edgar “Manong Egay” B. Aglipay ang unang araw ng Cagayan Heritage, Culture, and Arts Summit na isinasagawa ng Cagayan Museum and Historical Research Center ngayong Oktubre 28, 2025 sa Go Hotels Plus, Tuguegarao City.
Ang summit ay bahagi ng pagdiriwang ng Museum and Galleries Month tuwing buwan ng Oktubre. Ang summit ay isang pagtitipon ng cultural heritage promotion stakeholders
Kasama ng Gobernador sina Niño Kevin Baclig, Cagayan Museum Curator; EnP. Jenifer Junio-Baquiran, Provincial Tourism Officer; Michael Pinto, Provincial Librarian; Dr. Michael Armand Canilao, kinatawan ni Jeremy Barns, Director-General ng National Museum of the Philippines (NMP); mga resource speaker sa pangunguna ni Prof. Felipe Jocano, Jr, Chair, Department of Anthropology, University of the Philippines, mga Municipal Tourism Officer at mga kinatawan ng LGUs; mga opisyal, guro, at mananaliksik mula sa iba’t ibang kolehiyo at unibersidad sa Lungsod ng Tuguegarao, mga kinatawan ng mga grupo tulad ng Cagayan Heritage Conservation Society at Northern Luzon Cinema Guild, at mga empleyado ng PGC at Cagayan Museum.
Sa naganap na opening program, isang mensahe ang ibinahagi ni Dr. Barns ng NMP sa lahat ng kalahok kung saan hinimok niya ang lahat na maging bahagi sa adhikain ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa patuloy na pangangalaga sa yamang kultural ng lalawigan. Kanya namang pinuri ang Cagayan Museum sa patuloy na pagsasagawa ng ganitong pagtitipon upang magkaroon ng dayalogo sa stakeholders para sa pagpapatuloy na Cagayan heritage conservation.
Samantala, binigyang-diin naman ni Gob. Aglipay ang pagiging hitik sa yamang kultural ng Cagayan mula sa pagdiskubre ng Homo luzonensis sa Callao Caves, ang pagkatatag ng Nueva Segovia o ang bayan ng Lal-lo, ang halaga ng Aparri port noon sa kabuhayan ng mga Cagayano, at ang pagdiskubre kamakailan ng unang komunidad ng mga Kristiyano sa bayan ng Sanchez Mira.
Kanyang sinambit na ang yamang kultural ay mahalaga at ang patuloy na pagkakaroon ng kaalaman dito, lalo ang mga paraan ng pangangalaga nito ay kaakibat ng maunlad na lalawigan. Kaya naman aniya, nakapaloob sa kanyang E.G.A.Y. Governance Platform ang cultural heritage conservation.
Sinabi ng Gobernador na sa ilalim ng “Employment, Energy, and Environment” ang cultural heritage ay isang makina upang pagalawin ang ekonomiya ng lalawigan kung saan ang cultural tourism ay lumilikha ng mga industriya at tuloy-tuloy na kabuhayan para sa mga Cagayano.
“Habang patuloy nating ginagawa ang pangangalaga ng ating yamang kultural, pinapangalagaan din natin ang kalikasan,” dagdag ng Gobernador.
Sa ilalim naman ng “Governance,” sinabi ni Gob. Aglipay na ang lahat ng hakbang na ginagawa ng kanyang administrasyon ay bahagi ng transparency, accountability, at ang aktibong partisipasyon ng komunidad. Aniya, sa pangangalaga ng yamang kultural, ang dapat na makikinabang ay ang mamamayan.
Mahalaga din aniya ang yamang kultural ng lalawigan sa larangan ng agrikultura. Sa ilalim ng kanyang programang “Agricultural Support” patuloy na bibigyang-halaga ang kontribusyon ng mga magsasaka at mangingisda sa tradisyon.
“Sa pamamagitan ng culinary tourism, binibigyang natin ng halaga, karangalan, at kabuhayan ang ating mga magsasaka,” sambit pa ng Ama ng Lalawigan.
“Culture and heritage are bridges of generations. Kailangang patuloy nating mahimok ang ating kabataan na maging bahagi ng pangangalaga ng ating yamang kultural. Gayundin, kailangan nating matuto sa ating mga matatanda dahil sila ay may mas malawak na kaalaman. Ito ay bahagi ng ating adhikain sa ilalim ng ating ‘Youth and Elderly Care’ program,” dagdag pa aniya.
Bilang panghuli, hinimok ng Gob. Aglipay na maging bahagi ang lahat sa programa ng kanyang administrasyon sa mga larangan na ito.
Sa kabilang dako, nagpasalamat naman si Baclig sa lahat ng dumalo sa Culture, Heritage, and Arts Summit.
Sa unang araw ng summit, naging tagapagsalita naman sina Prof. Jocano, Prince Wilson Macarubbo at Architect Michael Tabao ng Cagayan Heritage Conservation Society, at Architect Augustus Timothy Ong ng Heritage Conservation Society.
Magpapatuloy naman ang summit hanggang Oktubre 30, 2025 kung saan iba’t ibang paksa tungkol sa heritage conservation ang tatalakayin.






