
Nakipagpulong si Gobernador Edgar “Manong Egay” Aglipay sa mga matataas na opisyal at kinatawan ng Department of Trade and Industry (DTI), Board of Investments (BOI), at Public-Private Partnership (PPP) Center kasabay ng isang salu-salo ngayong Miyerkules, Mayo 20, 2026.
Layunin nitong mapalakas ang pamumuhunan, sistema ng logistics at suplay ng mga produkto, gayundin ang pagpapalawak ng industriya sa probinsya ng Cagayan at buong Rehiyon Dos upang higit pang mapaunlad ang ekonomiya at kahandaan sa mas malalaking investments.
Kasama sa mga nakadaupang-palad ng Ama ng Lalawigan sina DTI Undersecretary Mary Jean T. Pacheco, DTI Region 2 Regional Director Maria Sofia Narag, BOI Director Ernesto C. Delos Reyes Jr., PPP Center Director Feroisa Francisca T. Concordia, Atty. Rizel C. Barsabal, at Hannah Jamaign R. Barroquillo.
Kabilang sa naging sentro ng pulong ang pagpapalawak ng mga imprastraktura para sa logistics at industriya, pagpapadali ng mga proseso para sa pamumuhunan, at pagpapalakas ng public-private partnerships na inaasahang magsisilbing pangunahing daan sa paglago ng ekonomiya ng Lambak ng Cagayan. Tinalakay rin ang pagpapatibay ng sistema ng suplay ng mga produkto sa rehiyon, pag-akit ng malalaking mamumuhunan, at paghahanda ng lalawigan para sa mas pinaigting na industriyalisasyon at pagiging mas matatag sa larangan ng negosyo at kalakalan.
Kaugnay nito, binigyang-diin ni Gob. Aglipay ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mga National Government Agencies (NGA), Local Government Units (LGU), at pribadong sektor upang matiyak na ang mga proyekto at pamumuhunan ay direktang magbibigay ng trabaho, oportunidad, at pangmatagalang progreso para sa mga Cagayano.
Samantala, kasama rin sa pulong sina Tuguegarao City Mayor Maila Ting-Que, Enrile Mayor Miguel Decena, 3rd District Board Member Atty. Engelbert Caronan Jr., Deputy Chief of Staff Atty. Jay Em Cuntapay, at mga kinatawan ng One Cagayan Vision Team.






