
Muling tiniyak ni Gobernador Edgar “Manong Egay” Aglipay ang matibay na pakikipag-ugnayan ng Provincial Government of Cagayan (PGC) sa Local Government Unit (LGU) Abulug sa paghahanay ng mga programang titiyak sa kapasidad at kapakanan ng mga komunidad sa naturang bayan.
Kasabay ito ng pagdaraos ng PGC-LGU Strategic Alignment Meeting ngayong Miyerkules, Mayo 20, 2026 kung saan kasama ng Ama ng Lalawigan sina Chief of Staff Felipe Buena Jr, at ng mga Department Head, at Vision Team Member ng Kapitolyo ng Cagayan.
Naging aktibo rin ang partisipasyon ng mga opisyal ng bayan at mga barangay sa pangunguna ni Mayor Marie Angelie Vargas, habang dumalo rin si Congresswoman Baby Aline Vargas-Alfonso bilang suporta sa layunin ng programa.
Sa naging pahayag ni Gob. Aglipay, ipinaliwanag nito na ang layunin ng aktibidad ay ang pagnanais ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan na ihanay ang mga programa sa mga LGU upang mapalakas ang mga serbisyong dapat maibigay para sa bawa’t Cagayano.
Saad ng gobernador, mahalaga na maayos ang ugnayan ng PGC sa mga LGU dahil ito ang pinakamabilis na paraan para agarang maipatupad ang mga proyekto na nakukuha mula sa mga National Government Agency.
Bukod dito, nagpahayag naman ng buong suporta si Cong. Vargas-Alfonso sa adhikain at mandatong nais isulong ni Gob. Aglipay dahil nakikita aniya nito ang pagnanais ng Ama ng Lalawigan na isakatuparan ang mga inisyatiba para sa kapakanan ng mga Cagayano.
Samantala, ang bayan ng Abulug ang ika-12 sa mga munisipalidad na napuntahan na ng PGC para sa Strategic Alignment Meeting kung saan nauna na itong isinagawa sa mga bayan ng Alcala, Solana, Enrile, Peñablanca, Sto. Niño, Lal-lo, Amulung, Sta. Praxedes, Ballesteros, Camalaniugan, at Lasam.






