
Nakapaghatid muli ng benepisyo at tulong ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pangunguna ni Gobernador Edgar “Manong Egay” Aglipay sa mga community frontliner at vulnerable group sa bayan ng Peñablanca at Lungsod ng Tuguegarao ngayong Martes, Disyembre 16, 2025.
Ito ay sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pag-arangkada ng Oplan Tulong sa Barangay sa ilalim ng No Barangay Left Behind (NBLB) Program ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.
Kasama sa mga nabahagian ng honorarium at tulong-pinansyal ay ang Persons with Disability (PWD), solo parents, barangay tanod, Barangay Nutrition Scholars (BNS), Barangay Health Workers (BHW), at Day Care Workers (DCW).
Batay sa datos, umabot sa 944 na benepisyaryo mula sa Tuguegarao City ang tumanggap ng tulong, habang 515 naman ang mula sa Bayan ng Peñablanca.
Sa naturang aktibidad, kinilala ni Gob. Aglipay ang mahalagang responsibilidad ng mga barangay frontliner sa pagpapatupad ng mga pangunahing serbisyo ng pamahalaan sa kanilang nasasakupan bilang mga lingkod-bayan.
Tiniyak naman ng Ama ng Lalawigan ang maayos na implementasyon sa mga programang naglalayong palakasin ang mga barangay frontliner na kumikilala sa kanilang mahalagang tungkulin bilang mga katuwang ng pamahalaan sa paghahatid ng serbisyo publiko sa bawa’t komunidad.






