
Pinatitibay ni Gobernador Edgar “Manong Egay” Aglipay ang industriyalisasyon ng cattle production sa Cagayan bilang bahagi ng pagpapaunlad sa sektor ng agrikultura partikular ang livestock industry ng probinsya.
Bahagi nito ay nakipagdayalogo si Gob. Aglipay sa mga opisyal ng Cagayan Valley Regional Ranchers Association Inc. nitong Martes, Marso 3, 2026 kung saan natalakay ang mas pinaigting na kolaborasyon at pagtutulungan upang mapaangat ang kabuhayan ng mga Cagayano sa usapin ng livestock.
Ang Cagayan Valley Regional Ranchers Association Inc. ay isang samahan ng mga cattle raisers at ranchers sa rehiyon na may layuning paunlarin ang industriya ng paghahayupan sa pamamagitan ng pagpapabuti ng breeding program, produksiyon, marketing, at pangangalaga sa kalusugan ng mga alagaing hayop.
Sa naging mensahe ng Gobernador, binigyang-diin nito ang kanyang buong suporta sa mga adhikain ng asosasyon lalo na sa pagsusulong ng modernisasyon at pagpapalakas ng cattle industry sa lalawigan.
Punto nito, mahalaga ang pagkakaisa ng pamahalaan at pribadong sektor upang matiyak ang tuloy-tuloy na pag-unlad ng agrikultura na isa rin sa mga pangunahing layunin ng kanyang isinusulong na E.G.A.Y Governance Platform na nakatuon sa maayos na pamamahala tungo sa pagpapalakas ng ekonomiya at kabuhayan ng mga Cagayano
Inihayag pa ng gobernador na una nang nakipag-ugnayan ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa Department of Trade and Industry upang maisakatuparan ang naturang programa at matulungan ang mga magsasakang nag-aalaga ng kalabaw, baka, kambing, at iba pa para sa maayos na produksiyon.
Samantala, nagpahayag din ng kahandaan ang mga opisyal ng naturang organisasyon na makipagtulungan sa Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan para sa pagsusulong ng mga programang magpapalakas sa produksyon at magbibigay ng mas maraming oportunidad sa mga Cagayano na mag-aalaga ng hayop.







