Binigyang-diin ni Gobernador Edgar “Manong Egay” Aglipay ang kahalagahan ng pagtupad sa mga ipinangakong pagbabago para sa kinabukasan ng mamamayang Cagayano.

Sa kanyang mensahe sa regular flag raising ceremonyng Kapitolyo ng Cagayan ngayong Lunes, Setyembre 29, 2025 ipinaliwanag ng Ama ng Lalawigan na hindi dapat ipinagsasawalang-bahala ng mga kawani ng pamahalaan ang mga proyektong kanilang ipinapangako dahil dito nakasalalay ang tiwala at pag-asa ng taumbayan.

Iginiit ng gobernador na ang mga pangakong napapako ang dahilan kung bakit nawawalan ng pag-asa at tiwala ang mamamayan sa pamahalaan. Aniya, kailangang maisakatuparan ang mga ito upang masiguro ang maayos na pamumuhay ng bawa’t Cagayano.

“We say something but afterwards we forget it, ‘yan ang problema, kaya tuloy nawawalan ng pag-asa ang mga tao dahil sa mga sinasabi pero hindi naman natutupad,” saad ni Gob. Aglipay.

Bukod dito, nanawagan din siya sa mga pulitiko sa Cagayan na tigilan ang pambu-bully sa mga ordinaryong mamamayan at tuparin ang kanilang sinumpaang tungkulin.

“Let’s not bully our provincemates. Stop bullying them. Wala pong hari dito, ang hari dito ay ang mga Cagayano,” dagdag pa ng gobernador.

Samantala, umaasa rin si Gob. Aglipay na tutuparin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang kanyang mga ipinangakong programa para sa mga Cagayano matapos ang kanyang naging pagbisita sa probinsiya kasunod ng pananalasa ng Bagyong Nando.

“Tumugon siya sa lahat ng sinabi at hiling ko, kaya sana dapat ay maisakatuparan ito, dahil hindi lamang ako ang responsable dito kun’di pati rin siya,” ani Aglipay.

Tiniyak naman ng gobernador na bago matapos ang kanyang termino ay maisasakatuparan ang mga adhikain ng kanyang administrasyon sa ilalim ng E.G.A.Y. Platform na nakatuon sa progreso para sa mamamaya partikular para sa mga magsasakang Cagayano.

Pinangunahan mismo ni Gob. Aglipay ang flag raising ceremony kasama ang Unang Ginang ng Cagayan na si Marinette Yan-Aglipay, Provincial Administrator Atty. Maria Rosario Mamba-Villaflor, Chief of Staff Felipe H. Buena, Jr., mga department head, consultant, at kawani ng Kapitolyo ng Cagayan.

Nakiisa rin ang ilang kinatawan mula sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan gaya ng Department of Trade and Industry (DTI) Cagayan Provincial Director Mary Ann Corpuz-Dy, Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Regional Director Marvin Feraren, at mga kinatawan mula sa Police Regional Office 2.