
Iginiit ni Gobernador Edgar “Manong Egay” Aglipay ang kanyang patuloy na pagtutok sa mga proyektong makatutulong sa sektor ng agrikultura sa Cagayan, kasabay ng groundbreaking ceremony ng Rice Processing Center (RPC) III sa Barangay Lakambini, Tuao, ngayong Miyerkules, Enero 21, 2026.
Ang pagtatayo sa pasilidad ay sa pamamagitan Department of Agriculture Regional Field Office II (DA-RFO2) at Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech) Region 2. Layunin nitong magbigay ng warehouse at storage para sa palay ng mga magsasaka sa Tuao, at itaas ang kanilang kabuhayan.
Ayon kay Gob. Aglipay, patuloy niyang susuportahan ang mga proyektong pang-agrikultura sa lalawigan, kabilang ang mga nasimulan noon ni dating Gobernador Manuel N. Mamba, na ngayo’y Bise Gobernador. Nagpasalamat siya sa DA, PhilMech, at kay Bise Gob. Mamba sa pagsasakatuparan ng proyekto, at nanawagan ng suporta mula sa lahat upang maisakatuparan ang pangarap na mapabuti ang kabuhayan ng mga magsasakang Cagayano.
Sinabi naman ni Bise Gobernador Mamba na malaking pagbabago para sa Tuao ang pagkakaroon ng RPC, lalo na sa pagtugon sa mga suliranin ng mga magsasaka sa panahon ng kalamidad.
“This is the transformation for the town of Tuao to have this kind of facility. This is the dream of our farmers, and this is the solution to their problems,” ani Bise Gob.
Ipinaliwanag naman ni DA Regional Director Dr. Rose Mary Aquino na ang RPC ay makatutulong sa pagpapababa ng post-harvest losses, pagpapataas ng kalidad at presyo ng bigas, pagpapalawak ng value-adding operations, paglikha ng trabaho, at upang mapalakas ang kakayahan ng Cagayan na makipagkumpetensya sa industriya ng palay.
Samantala, ang RPC III sa Tuao ay may kabuuang pondo na ₱185,326,117. Kabilang dito ang ₱78,320,229 mula sa Department of Agriculture (DA), na inilaan para sa gusali ng RPC na may kasamang milling at drying warehouse, storage warehouse, silo, multipurpose drying pavement, truck scale, conveyor, forklift, at dalawang hauling truck. Ang counterpart ng Local Government Unit (LGU) ng Tuao ay ₱42,305,888, na nakalaan para sa lupa, bakod, electrical system, access road, opisina, track scale office, electronic weighing scale, moisture meter, at working capital. Ang PhilMech ay may counterpart namang ₱64,700,000, na ilalaan para sa mga makinarya tulad ng rice mill at tatlong recirculating dryers.
Ang groundbreaking ay pinangunahan ni Father Ruiz Sapaden, Parish Priest ng Tuao, at dinaluhan nina 3rd District Board Member Romar De Asis, Dr. Pearlita Mabasa, Agricultural Cluster Head ng Cagayan Vision Team, mga lokal na opisyal ng Tuao, municipal agriculture officers ng iba’t ibang bayan, Cooperatives and Irrigation ng Tuao, National Irrigation Administration-Tuao, mga kapulisan, at iba pang bisita.







