
Dinaluhan ni Gobernador Edgar “Manong Egay” Aglipay ang pagpapasinaya at blessing ng bagong tayong gusali ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Region 2 ngayong Lunes, Enero 18, 2026, sa Regional Government Center, Tuguegarao City, Cagayan.
Ang aktibidad ay pinangunahan nina OWWA Administrator Atty. Patricia Yvonne Caunan at Department of Migrant Workers (DMW) Usec. Dominique Rubia-Tutay, bilang kinatawan ni Secretary Hans Leo Cacdac, katuwang si OWWA Regional Director Versie Tamayao.
Sa naging mensahe ni Gob. Aglipay, hinangaan nito ang dedikasyon at sakripisyo ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa ibang bansa na patuloy na nagsisikap upang maibigay ang pangangailangan ng kanilang mga naiwang pamilya at mahal sa buhay sa Pilipinas.
Kaugnay rito, tiniyak pa ng gobernador ang maayos na kolaborasyon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa naturang ahensiya upang maisulong ang mga programang tutugon sa pangangailangan ng mga OFW at ng kanilang mga pamilya.
Kinilala rin ni Gob. Aglipay ang mahalagang papel na ginagampanan ng DMW at ng OWWA, lalo na sa pagtupad ng kanilang mandato sa pagbibigay-proteksiyon, benepisyo, at serbisyong pangkalinga sa mga manggagawang Pilipino sa ibayong-dagat.
Ibinahagi rin nito ang kanyang E.G.A.Y. Governance Platform kung saan nakahanay ang mga layunin ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan tulad ng DMW at OWWA, partikular sa usapin ng Good Governance o maayos na pag-gobyerno, nang hindi naiiwan ang mga Cagayano OFW. Kabilang din dito ang Youth Development and Elderly Care pillar na tumitiyak sa mga programang para sa mga naiwang pamilya, lalo na ang mga anak at maging ang mga nakatatandang mahal sa buhay ng mga OFW.
Pinasalamatan naman ni Gob. Aglipay ang mga opisyal ng mga naturang ahensiya sa patuloy na pagsisikap ng mga ito na maisakatuparan ang mga programang nagbibigay ng serbisyong makatutulong sa Lalawigan ng Cagayan at sa buong Rehiyon Dos.
Samantala, dinaluhan din ni Gob. Aglipay ang pagbubukas ng Alagang OWWA Botika, isang pasilidad na magbibigay ng libreng serbisyong medikal sa mga dati at kasalukuyang OFW, gayundin sa kanilang mga pamilyang naiwan sa bansa. Katuwang ng OWWA sa naturang proyekto ang Vida Cure at ang PhilHealth upang makapaghatid ng mga serbisyong mararamdaman ang benepisyo ng mga ito.







