Dinaluhan ni Regional Peace and Order Council, Region 2 Chairperson at Gobernador Edgar “Manong Egay” Aglipay ang 2nd Joint National Peace and Order Council – Regional Peace and Order Councils (JNPOC–RPOC) Meeting para sa 2025 na ginanap sa New Provincial Capitol, Trece Martires, Cavite.

Ang JNPOC–RPOC ay inorganisa ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pangunguna ni Secretary Remulla.

Tinalakay ang pagpapatibay ng mga polisiya at koordinasyon para mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa bansa. Binigyang-diin din ang mas matibay na ugnayan ng nasyunal at lokal na pamahalaan para sa mas mabilis at epektibong pagtugon sa mga isyung pangseguridad.

Bilang dating hepe ng Philippine National Police (PNP), nagpahayag ng buong kooperasyon si RPOC Chairperson Aglipay sa pagsusulong ng mga reporma at inisyatiba para sa mas pinatibay na peace and order framework. Iginiit din niya ang kahalagahan ng malasakit, koordinasyon, at patuloy na pagbabantay upang masiguro ang kaligtasan ng mga mamamayan sa bawa’t rehiyon at sa buong bansa.

Nakadaupang-palad din ng Ama ng Lalawigan ang iba’t ibang national at local officials na katuwang sa pagpapatupad ng mga programang nakatutok sa seguridad, paglaban sa kriminalidad, at pangangalaga sa kapakanan ng publiko.