Kabilang sa itinalagang bagong miyembro ng Cultural Center of the Philippines (CCP) Board of Trustees ay isang ipinagmamalaking Cagayano mula sa bayan ng Tuao, Cagayan na si Felix “Monino” Duque.
Kabilang si Duque sa limang bagong talagang Board of Trustee ng nasabing institusyon na itinalaga mismo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Si Duque ay isang master lighting designer, theater director, at cultural icon ng lungsod ng Tuguegarao.
Nagsilibi rin si Duque bilang theater director ng CCP taong 1973 hanggang 1994 kung saan bumuo siya ng ilang mga sikat na produksyon kabilang na ang Tales of Manuvu, Swan Lake, Don Quixote, at Madame Butterfly.
Siya rin ang direktor ng Asean Summit noong 2017 na dinaluhan ng mga Presidente at Minister mula sa mga bansa sa timog silangang Asya at mga katuwang na mga bansa.
Ang kanyang pinakabagong obra ay ang pagpapailaw sa Palasyo ng Malacañang at palibot nito.
Si Duque ay isang Gintong Medalya awardee ng Dangal ng Lahing Cagayano 2023 ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.