Malugod na tinanggap ni Gob. Manuel Mamba, En.P. Jennifer Junio-Baquiran, at department heads ng Kapitolyo ng Cagayan ang grupo ng SkySails Power, isang German-based firm na namumuhunan gamit ang Airborne Wind Energy sa kanilang pagbisita sa lalawigan ngayong Huwebes, Enero 16, 2025.

Kasabay ng pagbisita ay nagprisinta si Nico Leibenguth, Consultant in Southeast Asia for SkySails at Norbert Taphorn ng kanilang planong wind energy project sa islang bayan ng Calayan sa lalawigan ng Cagayan. Anila, ang Calayan ay mayroon umanong malakas na source ng hangin at ang kanilang kumpanya na ginagamit ang hangin para sa renewable energy ay nababagay sa lugar. Dahil dito, kanilang inihayag ang intensyon na makipagpartner sa mga local investor at mamuhunan at magtayo sa probinsiya.

Ang SkySails Power ay may sistemang gumagamit ng mga malalaking kites na pinalilipad sa himpapawid na nakakonekta sa tinatawag na “tether” at “winch” na may generator na siyang lumilikom ng enerhiya mula sa kite na nasa ere. Ang isang kite ay kaya umanong makapag-produce ng enerhiyang 200 kilowatts na kayang pailawan ang nasa 600-800 na households.

Kasunod nito, inilatag rin ni Rafael Sanchez ng Philippine Board of Investments (BOI) ang mga kakailanganing proseso, dokumento, permit, at lisensiya upang makapaglagak at makapagsimulang mamuhunan ang kumpanya sa Pilipinas lalo na sa lalawigan ng Cagayan.

Ilan sa mga ito ay ang business registration sa Pilipinas katulad sa Department of Trade and Industry (DTI) o Securities and Exchange Commission (SEC); BOI Registration; percentage ng Filipino at Foreign Ownership; BOI Value Chain and Services at Green Lane for Strategic Investments.

Samantala, nakasama rin sa presentasyon si Provincial Administrator Atty. Maria Rosario Mamba-Villaflor, Provincial Engineer Kingston James Dela Cruz, Assistant Provincial Planning and Development Officer Rolando Calabazaron, Information Officer Rogelio Sending Jr., PTF-ELCAC Coordinator Ret. Col Atanacio Macalan, ganoon na rin si DTI Provincial Director Lourdito Antonio.