Aktibong nakibahagi ang mga emergency responders sa isinagawang Fire and Safety Drill na bahagi ng aktibidad ng Provincial Health Office (PHO) ngayong Huwebes, Marso 26, 2026 sa Kapitolyo ng Cagayan.

Lumahok sa aktibidad ang mga kawani mula sa PHO, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), at mga security personnel ng PGC upang palakasin ang kahandaan sa pagtugon sa mga emergency situation gaya ng sunog.

Ang aktibidad ay pinangunahan ng mga personnel mula sa Bureau of Fire Protection (BFP), kung saan kabilang sa mga isinagawa sa aktibidad ay ang lecture sa fire safety, dito ipinaliwanag ang mga pangunahing sanhi ng sunog at mga paraan upang maiwasan. Bukod dito, tinalakay rin ang kahalagahan ng fire extinguisher at ang tamang paggamit nito upang mabilis na maagapan ang pagkalat ng apoy.

Bukod sa lecture, nagkaroon din ng “fire simulation exercise” at dito naman nasubukan ang kahandaan ng mga kalahok. Sa pamamagitan nito ay nahasa ang kanilang kakayahan sa mabilis na pagresponde maayos na evacuation, at tamang paggamit ng fire extinguisher.

Ayon kay Provincial Health Officer Dr. Rebecca Battung, mahalaga ang ganitong pagsasanay sa mga health personnel lalo na sa mga security personnel dahil sila ang pangunahing responsable sa pagpapanatili ng kaligtasan at pagprotekta sa mga pasilidad at resources sa loob ng PGC kaya dapat may sapat silang kaalaman at kasanayan sa fire safety at response.

“Tayo ay magaling na pagdating sa sakit, pero pagdating sa sunog ang ating BFP talaga ang expert, kasama natin ang mga security guards natin kasi sila talaga ang natitira at nag stay dito sa PGC kaya dapat sila ang may kasanayan kasi sila ang 24/7. That is why this is really for us, we need force multiplier para atleast alam namin na may kaalalay kami,” bahagi ng mensahe ni Dr. Battung.

Samantala, umaasa naman ang PHO na sa pamamagitan nito ay mapapalakas pa ang koordinasyon at kahandaan ng mga emergency responders aa anumang uri ng insidente upang masiguro ang kaligtasan ng mga pasilidad ng PGC, mga kawani at ng publiko.