Puno ng saya, pagkilala, at papremyo sa sektor ng agrikultura ang naging handog ng isinagawang Farm Family Day 2024 sa Provincial Farm School & Agri-Tourism Center sa Anquiray, Amulung, Cagayan ngayong Martes, Nobyembre 12, 2024.

Ang Farm Family Day ay dinaluhan ng mga magsasaka ng mais, palay, mangingisda, mga miyembro ng 4-H Club, Rural Improvement Club (RIC), High Value Crops Growers (HVCG), at Municipal Agricultural Fishery Council (MAFC) na mula sa iba’t ibang bayan sa Cagayan.

Tampok sa nasabing aktibidad ang pagkilala sa mga magsasaka ng ilang barangay sa lalawigan na may itinayong “Project Makan” o community gardening, Highest Yielder sa palay, Most Active MCDC’s, Best Implementer 4-H Club Livelihood Project (Sta. Ana); at mga Seed & Fertilizers Companies na katuwang ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) sa mga rice at corn productions sa farm school.

Nabigyan naman ng Certificate of Appreciation at livelihood assistance na P50,000 ang mga aktibong RIC at 4-H Club ng probinsya.

Nakapag-uwi ng mga kagamitan ang mga mangingisda ng Payao and Tilapia Fish cage Projects at mga tobacco farmer ng knapsack sprayers.

Dagdag pa rito, wagi ang grupo ng RIC sa Cha-Cha Dance Contest na may premyong P30,000 at trophy, nasungkit ng 4-H Club ang pangalawang pwesto na may gantimpalang P20,000 at trophy, habang 3rd place ang grupo ng HVCG na may P10,000 at trophy. Consolation prize naman na P5,500 ang tinanggap ng grupo ng corn farmers, rice farmers, at MAFC.

Dumalo sa aktibidad si Atty. Mabel Villarica-Mamba, Regional at Provincial President ng RIC at bilang kinatawan ni Governor Manuel N. Mamba.

Ayon kay Atty. Mabel Mamba, ang sektor ng agrikultura sa Cagayan ay may maraming hamon na kinakaharap lalo sa mga dumarating na kalamidad. Sa kabila aniya nito ay nakikita niya na matatag at nagkakaisa ang lahat para sa anumang pagsubok.

“Kakaiba ang sektor ng agrikultura dahil kahit anumang hirap ang pagiging magsasaka, mangingisda, at kapamilya ng magsasaka, ang ngiti ay mababakas pa rin sa bawa’t isa. Ito na ang sektor ng pinakamasaya dahil bawa’t produkto nila ay napapakinabangan at nagbibigay ng buhay hindi lamang sa kanilang pamilya kun’di ang buong sambayanan,” ani Atty. Mabel Mamba.

Pahayag naman ni Engr. Pearlita P. Mabasa, ang Consultant on Agriculture at Overseer ng Provincial Farm School ng Provincial Government of Cagayan na nakalulungkot ang katayuan ng mga magsasaka at mangingisda ngayon dahil sa kalamidad ngunit kailangan rin umano na may araw para magsaya at sabayan lamang ng dasal para malagpasan pa rin ang anumang hamon sa buhay. Higit sa lahat aniya ay ang pagpapaigting ng pagkakaisa para sa boses ng mga magsasaka.

Nakiisa naman sa Farm Family Day si Ret. Gen. Edgar “Manong Egay” Aglipay at ilang miyembro ng grupong One Cagayan kasama sina Board Member Rodrigo De Asis ng 3rd District, Provincial Administrator at President ng Cagayan Cacao Cooperative na si Atty. Maria Rosario Mamba-Villaflor, mga Board of Judges ng cha-cha dance contest na sina Atty. Leonard Beltran, Head ng PNRO, Atty. Louie Socrates ng HRMO, at Reynaldo Ramirez ng Provincial Budget Office. Dumalo rin ang iba pang department heads ng Kapitolyo ng Cagayan at mga Municipal Agriculture Officer ng lalawigan.

Samantala, bahagi ng Farm Day ang pagkakaroon ng mga iba’t ibang produkto ng mga magsasaka, mangingisda at partner agency ng OPA sa multi-purpose gymnasium ng farm school upang mabigyan ng pagkakataon na makabili ang mga bisita sa naturang aktibidad.