Isinagawa ng Cagayan Provincial Learning and Resource Center (CPLRC) ang E-resources Orientation sa mga mag-aaral ng iba’t ibang paaralan sa Tuguegarao City.

Kabilang dito ang Cagayan National High School, Tuguegarao City Science High School, Cagayan State University, FL Vargas College, at John Wesley College.

Bahagi ito ng serbisyo ng CPLRC sa paghahatid ng kaalaman sa mga mag-aaral at mga guro, lalo na sa paggamit ng Panlalawigang Aklatan at ang resources na matatagpuan dito. Layon din nito na ipaliwanag pa nang husto ang mga serbisyong hatid ng CPLRC, lalong-lalo na ang paggamit ng digital research tools na makakatulong sa kanilang pag-aaral.

Sa nasabing orientation, ibinahagi ng mga staff ng CPLRC na sina Alfred Iringan, Ralph Angelo Pascual, at Ma. Christina Sambajon ang paggamit ng E-resources ng Panlalawigang Aklatan tulad ng Bibliotex Digital Library, Gale E-books, Wiley, 3G Smart Learning, Scholaar, Let’s Read, at Perlego.

Ayon sa CPLRC, napapanahon ang kanilang pagsasagawa ng aktibidad lalo na at abala ang mga mag-aaral sa iba’t ibang proyekto at mga research. Nagagamit din nila ito bilang dagdag sa kanilang kaalaman na nakukuha sa eskwela na mas magpapalawak pa sa kanilang pag-iisip.

Ang E-resources na ito ay nabili ng CPLRC sa kagustuhan ng ama ng lalawigan na si Governor Manuel Mamba na magkaroon ng dagdag na pagkukunan ang mga mag-aaral at mga guro ng kanilang kaalaman sa pag-aaral at pagtuturo lalo na sa panahon ng digital literary. Layon ni Gov. Mamba na mapabuti pa ang serbisyo ng CPLRC para sa stakeholders.

Naisakatuparan naman ang aktibidad na ito sa pakikipagtulungan ng librarians ng iba’t ibang paaralan. Inaasahan pa ang pagbisita ng CPLRC sa iba pang paaralan upang isagawa ang orientation sa mga susunod na araw.