Binigyang-diin ni Deputy Chief of Staff Atty. Jay Em Cuntapay bilang kinatawan ni Gobernador Edgar “Manong Egay” Aglipay ang patuloy na suporta ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa mga kabataang Cagayano kasunod ng ginanap na Commencement Exercises ng Bural at San Juan Integrated School sa Rizal, Cagayan.

Ayon kay Atty. Cuntapay, mahalagang matiyak ang kapakanan ng mga kabataan bilang susunod na henerasyon na magpapatuloy sa pag-unlad ng lalawigan.

Aniya, ang mga programa ng Pamahalaang Panlalawigan mg Cagayan ay nakatuon sa pagbibigay ng mas maayos na oportunidad para sa kanila alinsunod sa inilatag na E.G.A.Y Governance Platform ni Gob. Aglipay partikular sa ilalim ng Youth Development Pillar.

Kaugnay rito, binigyang-diin pa ni Atty. Cuntapay, na ang mga kabataan ay ang kinabukasan ng Cagayan kaya’t patuloy na pinalalakas ni Gob. Aglipay at Bise Gobernador Manuel Mamba ang mga proyekto sa imprastraktura, edukasyon, agrikultura, at serbisyong panlipunan na nakatuon sa pagpapabuti ng kabuhayan ng mamamayan.

Pinaalalahanan naman ni Atty. Cuntapay ang mga nagsipagtapos na tiyakin na magpatuloy sila sa kanilang pag-aaral upang lalong mahubog ang kanilang kakayahan at matupad ang kanilang mga pangarap tungo sa maayos na kinabukasan.