
Nagbigay ng karangalan sa Cagayan ang dalawang mag-aaral ng Calaoagan Dackel National High School sa bayan ng Gattaran matapos mag-uwi ng mga medalya mula sa Asiarope Olympiad-Journalism PH National Round 2.
Ang mga mag-aaral na ito ay sina Adienn Chrislouh E. Ong at Michelle Marizze B. Salvador na nagwagi sa kani-kanilang kategorya sa nasabing kompetisyon.
Si Ong ay nag-uwi ng silver medal sa Editorial writing, na nagbigay sa kanya ng pagkakataong maging International Qualifier sa Bangkok, Thailand.
Samantala, nakuha naman ni Salvador ang gold medal sa Sports writing competition at pasok din bilang International Qualifier sa kaparehong bansa.
Ang Asiarope Olympiad ay isang international academic competition na sinasalihan ng mga mag-aaral mula sa Asya at Europa para ipamalas ang kanilang galing sa Mathematics, Science, English, at Journalism.
Layunin ng patimpalak na higit pang mahubog ang critical thinking skills at intellectual growth ng mga lumalahok, gayundin ang pagpapalakas ng kolaborasyon at ugnayan ng mga bansa sa Asya at Europa.





