Ipinagmamalaki ng buong lalawigan ng Cagayan ang dedikasyon at husay ng dalawang Cagayano matapos silang mapabilang sa mga topnotcher ng 2025 Bar Examination.

Batay sa opisyal na resulta na inilabas ng Korte Suprema ngayong araw, Enero 7, 2026, kabilang sa mga topnotcher sina Atty. Spinel Albert Allauigan Declaro at Atty. Alaiza Agatep Adviento, na kapwa nagtapos ng Juris Doctor sa University of Santo Tomas (UST), Manila.

Nakamit ng tubong Iguig, Cagayan na si Declaro ang ikalawang puwesto matapos makapagtala ng 92.46% average, habang ikatlong puwesto naman si Adviento na tubong Lasam, Cagayan, na may 91.91% average.

Maituturing na inspirasyon sina Declaro at Adviento dahil sa kanilang ipinamalas na talino, sipag, at dedikasyon sa pag-abot ng kanilang pangarap na maipasa ang Bar Examination. Patunay lamang ito na patuloy ang pamamayagpag ng mga Cagayano sa iba’t ibang larangan.

Sa datos ng Korte Suprema, 5,594 ang pumasa mula sa 11,420 examinees, na katumbas ng 48.98% passing rate.

Samantala, kinilalang top performing schools ang Ateneo de Manila University, University of the Philippines, at University of Santo Tomas–Manila.