Ipinagdiwang ng Cagayan Provincial Learning and Resource Center (CPLRC) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang Library and Information Services Month ngayong buwan ng Nobyembre sa pamamagitan ng pagkilala sa mga aklatan at mga laybraryan sa lalawigan.
Sa isang programang ginanap sa CPLRC Grounds, Tuguegarao City ngayong araw ng Lunes, Nobyembre 25, 2024 na pinangunahan ni Atty. Ma. Rosario Mamba-Villaflor, Provincial Administrator, iprinisinta ni Michael Pinto, Provincial Librarian at CPLRC Head ang mga aklatan sa Cagayan na kasama sa Search for Most Functional School Library, kasama na rin ang mga laybraryan na kabilang sa Search for Outstanding Cagayano Librarian.
Ang dalawang pagkilala na ito ay may layon na kilalanin ang mga aklatan sa lalawigan at mga librarian na patuloy an sumusulong sa serbisyo ng aklatan, pagtataguyod sa pagbabasa, pangangalaga sa resources ng aklatan, at higit sa lahat ang pagsulong sa yamang kultural ng Cagayan sa pamamagitan din ng pangangalaga ng mga lokal na resources o material ukol sa kasaysayan, kultura, at tradisyon ng lalawigan.
Ayon kay Pinto napakahalaga ng araw at buwan na ito dahil ang Nobyembre ay LIS Month. Ito aniya ay ika-34 na taon na ipinagdiriwang ang Buwan ng LIS. Ang linggong ito ay National Book Week din.
“Ang mga dalawang patimpalak ay nagbibigay pagkilala sa halaga ng libraries at ng serbisyo ng librarians. Ang tema ng LIS Month ngayong taon na LibVOCACY: Unity Towards Inclusive and Empowered Libraries ay napapanahon,” ani Pinto.
Sambit niya na ang CPLRC ay isang showcase ng kung ano ang isang public library. “With the visionary leadership of Governor Manuel Mamba, lahat ng pangarap natin para sa CPLRC became sa reality. Dahil sa kumpas at suporta ni Gov. Mamba, nakilala ang CPLRC bilang isa sa mga pinakamahusay na public library,” dagdag niya.
Sa kanyang mensahe, binati naman ni Atty. Mamba-Villaflor ang CPLRC sa pagiging multi-awarded public library nito.
Aniya, taong 2018 nang binigyan ng oportunidad ni Gov. Mamba na makita ang importansiya ng CPLRC, hindi lamang sa siyudad ng Tuguegarao kun’di sa buong Cagayan.
“The Governor envisions programs and projects that have an impact in the community. Mula sa isang pangarap, malayo na ang narating ng CPLRC dahil sa ating ama ng lalawigan. The Governor wants a better life for every Cagayano,” sambit pa ni Atty. Mamba-Villafor.
Hinimok naman niya ang lahat na magsilbing inspirasyon ang lahat para sa isa’t isa, lalo na sa komunidad, at sa buong lalawigan.
Samantala, pumasok sa Top 5 ang Baggao National High School, Aparri East Central School, Gattaran National Trade School, Buguey North Central School, at Itawes National Agricultural and Technical School para sa Search for Most Functional Library. Ang mga Napili namang Top 4 para sa Search for Outstanding Cagayano Librarian ay sina Charmaine Masuli (CSU Carig, Michelle Abella (University of Saint Louis Tuguegarao), Cynthia Banzuela (Cagayan National High School), at Noemi Saldivar (Gattaran National Trade School).
Bago naman ang presentation ng mga nasa Top 5, masusing pagpili ang naganap sa dalawang patimpalak. Umikot ang mga hurado para sa Search for Most Functional Library at nagsagawa naman ng interview para sa mga sumali ng Search for Outstanding Cagayano Librarian.
Gaganapin naman ang Awarding Ceremony para sa mga mananalo sa Nobyembre 30, 2024 sa Pampaguena, Tuguegarao City kung saan gagawaran ang mga napili ng cash prizes at plaques.
Samantala, inilunsad din ngayong araw ang bagong library system ng CPLRC na Access Card at Web Online Public Access Catalogue o OPAC.
Ang Access Card ay para sa mga kliyente ng Panlalawigang Aklatan para mas madali nilang ma-access ang resources ng CPLRC kabilang dito ang study areas, libreng Wi-Fi vouchers, at iba pang digital facilities. Ang Web OPAC naman ay ang mabilis na paghahanap ng resources at material sa website ng CPLRC.
Dumalo naman sa programa ang ibat-ibang librarian members ng Cagayan Library Consortium, mga guro, mag-aaral, at iba pang bisita.