Ginawaran ng Parangal sa Natatanging Laybraryan 2024 ng Philippine Librarians Association Inc. (PLAI) si Michael Pinto, Provincial Librarian at Head ng Cagayan Provincial Learning and Resource Center (CPLRC) ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.
Ang parangal ay ibinigay kahapon, Nobyembre 22, 2024 sa National Congress ng PLAI sa Grand Menseng Hotel, Davao City.
Ang Gawad Parangal sa Natatanging Laybraryan ay iginagawad ng PLAI sa mga librarian na may malaking kontribusyon sa pagpasusulong ng proyekyo at programa sa kani-kanilang mga library.
Malaki ang pasasalamat ni Pinto sa ama ng lalawigan na si Governor Manuel Mamba sa kanyang natanggap na parangal dahil aniya, ang Gobernador ang nagsimula ng mga pangarap na natupad at mga inobasyon sa CPLRC.
“Malaking bahagi sa tagumpay ng CPLRC ang liderato ni Governor Mamba at ang suporta ng buong staff ng CPLRC. Ang aking pasasalamat din sa PGC at sa aking pamilya. Thank you, Lord, for making me an instrument for change,” ang sambit ni Pinto.
Isa sa mga naging prayoridad ni Gob. Mamba ang pagsasaayos ng CPLRC at noong 2019, nagbukas muli ang Panlalawigang Aklatan kung saan may mga modernong pasilidad at serbisyo ang nakita dito kabilang na ang pagkakaroon ng electronic resources.
Sa mga nakalipas na taon, patuloy na umaani ng parangal at pagkilala ang Panlalawigang Aklatan dahil sa mga modernong pasilidad at gamit nito.
Ang pagbibigay serbisyo ng CPLRC ay naihahatid hindi lamang sa mga mag-aaral at guro, maging sa buong komunidad.
Hindi naman ito ang unang pagkakataon na nagawaran si Pinto ng parangal bilang natatanging librarian.
Nakamit ni Pinto ang 2020 at 2021 Gawad Parangal sa Natatanging Propesyunal na Tagapangasiwa ng Pampublikong Aklatan mula sa National Library of the Philippines at ng The Asia Foundation.
Ginawaran din siya bilang Presidential Lingkod Bayan Awardee (Individual Category) Regional Awardee sa Search for Outstanding Government Workers of the Civil Service Commission noong nakaraang taon.
Samantala, naging speaker din si Pinto sa naganap na PLAI Congress kung saan iprinisinta niya ang “Public Library as an indicator for the Seal of Good Local Governance” kung saan ipinakita niya ang mga Best Practices ng CPLRC.