
Kinilala ng Commission on Population and Development (CPD) Region 02 ang CPIO-TeleRadyo 100.9FM ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa prestishiyosong ‘Rafael M. Salas, Kaunlarang Pantao (RMSKPA) Awards’ kasabay ng Population and Development (POPDEV) Week na may temang “TAO ang puso ng pag-unlad” na ginanap sa NGN Hotel, Tuguegarao City, ngayong Huwebes, Nobyembre 20, 2025.
Ang RMSKPA ay parangal na ibinibigay sa mga iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, pribadong sektor at miyembro ng midya na nagpakita ng dedikasyon katuwang ang CPD sa pagpapatupad ng mga programa, aktibidad, at mandato ng ahensiya na naka-angkla sa Philippine Population Development Plan of Action (PPD-POA) 2023-2028.
Ang CPIO-TeleRadyo 100.9FM ay katuwang ng CPD RO2 para sa information dissemination sa pamamagitan ng kanilang programa na ‘CPD ON AIR: Responsableng Pagpapamilya sa Radyo’, paggawa ng mga audio/video infomercials kaugnay sa Adolescent Pregnancy, at news articles.
Ayon kay Regional Director Theresa C. Soriano, at USEC Lisa Grace S. Bersales, ang RMSKPA ay nagmula sa pagkilala kay Rafael M. Salas, ang unang Executive Director ng United Nations Population Fund (UNFPA), bilang parangal sa mga indibiduwal, lokal na pamahalaan, at organisasyon na may natatanging kontribusyon sa pagpapaunlad ng population and development programs sa bansa.
Layunin ng award na hikayatin ang patuloy na pagsusulong ng mga programang nakatuon sa kalusugan, edukasyon, kabuhayan, at kapakanan ng bawa’t pamilya sa komunidad.
Ipinaabot naman ni Gob. Edgar ‘Manong Egay’ Aglipay ang kanyang pagbati sa pamamagitan ni Elisa Umoso, Planning and Development Officer ng PGC kung saan kanyang siniguro ang suporta sa CPD. Sa katunayan aniya ay nakapaloob sa Annual Investment Program (AIP) 2026 at sa E.G.A.Y governance platform at ‘No Family Left Behind’ ang programa para sa pag-unlad ng bawa’t pamilyang Cagayano.
“This award reminds us that genuine progress is measured by the happiness, dignity, opportunity, and well-being of our people. Hence, as father of Cagayan Province, I have incorporated in our calendar year 2026 annual investment program and allocation for population and development. This will be supported and augmented by other social programs, projects, and activities under the E.G.A.Y platform to ensure that ‘No Family is Left Behind,”pahayag ni Umoso.
Kaugnay rito, kinilala rin ang Provincial Planning and Development Office (PPDO) ng PGC, Lokal na Pamahalaan ng Allacapan at Tuguegarao, at iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, at local media sa rehiyon.
Nakasama naman sa awarding ceremony sina DEPDEV Regional Director Dionisio Ledres, at mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.





