
Pinasalamatan ni Chief of Staff Felipe H. Buena, Jr. ang Sangguniang Panlalawigan ng Cagayan sa pangunguna ni Bise Gobernador Manuel Mamba sa maagang pag-apruba at pagpapasa sa Executive Budget 2026 kung saan nakapaloob ang mga programa at proyektong para sa mamamayang Cagayano.
Inihayag ni COS Buena Jr., ang kanyang pasasalamat kasabay ng ginanap na regular Monday flag raising ceremony sa Kapitolyo ng Cagayan ngayong Lunes, Nobyembre 24, 2025.
Bilang kinatawan ni Gobernador Edgar ‘Manong Egay’ Aglipay, sinabi ni COS Buena na ang maagang pagkakapasa sa naturang pondo ay isang simbolo ng matibay na ugnayan ng Executive at Legislative ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.
Sa pamamagitan din ng maagang pagkakapasa ng budget, mas mabilis na maibababa at maisasakatuparan ang mga programa at proyekto ng kasalukuyang administrasyon alinsunod sa E.G.A.Y Governance Platform ni Gob. Aglipay kung saan prayoridad ang pagpapaunlad sa ekonomiya ng probinsiya at pagbibigay-oportunidad sa mamamayang Cagayano lalo na ang mga mahihirap na magsasaka at mangingisda.
“I would like to thank the Sangguniang Panlalawigan for approving our executive budget for 2026 led by Vice Governor Manuel Mamba, ang ibig sabihin po nito full ahead na ang implementation ng ating mga Programs, Projects and Activities (PPAs). Ang mga ginawa po natin na PPAs per department ay based on strategic plan na E.G.A.Y Governance Platform, and ma-iimplement na po natin dahil may budget na,” pasasalamat ni COS Buena Jr.
Kaugnay rito, pinaalalahan naman ni COS ang bawa’t tanggapan ng PGC pagbutihin ang kanilang pagtratrabaho at huwag magdalawang-isip na repasuhin o dagdagan pa ang kanilang mga programa at aktibidad, dahil ang naipasang pondo ay para sa ikabubuti ng bawa’t Cagayano.
“I would like to remind everyone, especially the department heads, do no hesitate to update and revise your PPAs, kung nakikita ninyo na kailangang i-improve do it. We are also continuously monitoring and evaluating the implementation all those PPAs weekly,” paalala pa ni COS Buena.
Pinasalamatan din ni COS Buena ang lahat ng empleyado ng PGC sa patuloy na suporta at pagtitiwala ng mga ito sa administrasyon nina Gobernador Aglipay at Bise Gob. Mamba lalo na sa pagtupad ng adhikain ng One Cagayan.
Ang ginanap na Monday regular flag raising ceremony ay pinangunahan ni COS Felipe H. Buena, Jr. bilang kinatawan nina Gobernador Aglipay, Bise Gobernador Mamba at Provincial Administrator Atty. Maria Rosario Mamba-Villaflor, kasama ang department heads at empleyado ng iba’t ibang tanggapan sa Kapitolyo ng Cagayan.






