Isinagawa ang pormal na pagtatapos ng mga magsasaka ng mais ng Alcala at Baggao, Cagayan ng kanilang Farmers Field School Season-Long Training sa Provincial Farm School and Agri-tourism Center sa Anquiray, Amulung, Cagayan kahapon, Mayo 8,2025.

Ayon kay Engr. Arsenio Antonio, Acting Provincial Agriculturist ng Provincial Government of Cagayan (PGC), ang 25 magsasaka na mula sa iba’t ibang barangay ng nabanggit na bayan ay nabigyan ng kaalaman hinggil sa integrated crop management at produksyon ng corn-based farming system mula noong buwan ng Enero hanggang ngayong Mayo, 2025.

Sa loob umano ng limang buwan ay naituro ang tamang paghahanda ng lupang sakahan, pagpili ng magandang binhi, paggamit ng modernong teknolohiya sa pagtatanim, pamamahala ng mga pananim, pagpuksa ng mga insekto, irrigation methods, at tamang paraan ng pag-ani.

Layon aniya ng training na mapataas ang kaalaman, magkaroon ng saganang ani, at malaking kita ang mga corn farmer sa lalawigan.

Bukod rito, ang mga nakapagtapos ay nabigyan ng Certificate of Training, medalya sa mga Top Performing Participants, at token na iba’t ibang vegetable seeds.

Samantala, ang aktibidad ay dinaluhan ni Engr. Vincent Espejo, Municipal Agriculturist ng Alcala, Jhiner Manding, Municipal Agriculturist ng Baggao, at mga corn program staff ng Office of Provincial Agriculturist (OPA).

Matatandaan na kamakailan ay nagtapos rin ang ilang magsasaka ng gulay sa kanilang FFSSL Training. Ang mga pagsasanay sa sektor ng agrikultura sa Farm School na pinangangasiwaan ng OPA ay sa adhikain ni Cagayan Governor Manuel Mamba na ihanda ang mga magsasakang Cagayano sa pagbubukas ng International Gateway Project (IGP) sa Cagayan.